55,398 total views
Mga Kapanalig, noong huling araw ng Enero, iba’t ibang grupo ang nagkasá ng kilos-protesta para protektahan ang pondo ng bayan. Pangunahing panawagan nila ang pagbibigay-linaw ng administrasyon sa ipinasá nitong budget para ngayong taon. Ikinababahala kasi ng mga grupong ito na baka magamit ang pera ng bayan para sa mga proyektong gagatasan ng mga tiwaling pulitiko at sa mga ayudang baka magamit sa vote buying. Ikinabit na rin ang mga pagkilos na ito sa panawagang paandarin na ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte nang lumabas na ang katotohanan kung paano ginamit ng kanyang opisina ang confidential funds.
May tatlong pagtitipong ginanap noong araw na iyon. Noong umaga, nagsama-sama sa People Power Monument ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga pamilya ng mga biktima ng madugong giyera kontra droga. Pagkatapos ng tanghalian, mga progesibong grupo at mga samahan ng mga estudyante ang dumagsa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila. Nagtapos ang araw sa isang prayer rally sa ESDA Shrine.
Sa mga pagkilos na ito, kapansin-pansin ang presenya ng mga taong Simbahan—mga pari, madre, at seminarista. Gaya sa ibang mga kilos-protesta, pinuna ng ilan ang pakikilahok ng mga relihiyoso sa mga ganitong gawain. May mga komentong katulad ng: “Bakit nakikisali ang mga pari at madre sa paglaban sa gobyerno?” O kaya naman, “May ibang mas mahahalagang isyung dapat tutukan ang Simbahan.” Meron ding ganitong puna: “Nalilimutan na yata ng mga pari at madre ang separation of Church and State.”
Hindi pa rin tayo nakalalampas sa paniniwalang ang Simbahan ay hindi dapat nakikisawsaw sa mga isyung panlipunan at pampulitika. Ang papel lang daw ng Simbahan ay ang palalimin ang pananampalataya natin sa Diyos at ang ipagtanggol ang moralidad laban sa mga makamundong kultura at pamumuhay.
Pero hindi ba’t kinuwestyon mismo ni Hesus ang umiiral na balangkas sa lipunan noong panahon niya? Hindi ba’t pumanig siya sa mga dukha at inaapi ng mga nasa poder? Lantaran niyang pinuna ang mga Pariseong nagpapanatili ng hindi pagkakapantay-pantay. Hinamon niya ang mga pinunong pinagsasamantalahan ang maliliit at pinagkakakitaan ang templo. Hindi siya nanawagan ng pagpapatalsik sa mga nakaluklok sa posisyon, pero hindi siya nangiming punahin ang mga nakikita niyang mali. Sa Lucas 4:43, sinabi ni Hesus, “Dapat ko ring ipangaral… ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, sapagkat ito ang dahilan kaya ako isinugo.”
Walang humahadlang sa mga taong Simbahan na sumali sa mga usaping panlipunan at pampulitika. Bahagi ito ng Ebanghelisasyon. Bahagi ito ng pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Bahagi ito ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos dito sa lupa. Bilang mga tagasunod ni Hesus, ang mga pari, madre, seminarista, at iba pang itinatalaga ang kanilang sarili sa pagsunod kay Kristo ay may tungkuling isabuhay ang mga turo ng Panginoon, lalo na ang pagtatanggol sa mga nasa laylayan, pagtataguyod ng katotohanan, at pagpapanatili ng kapayapaan at katarungan.
Sa Catholic social teaching na Evangelii Gaudium, ipinapaalala sa atin ng ating Simbahan: ang ating pagtatayâ para sa mabuti ay hindi lamang sa mga gawain at programang nagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan. Inuudyukan tayo ng Banal na Espiritu hindi para sumali sa marahas at magulong aktibismo. Ang pagkilos nating mga Katoliko—relihiyoso man o layko—ay dapat nakatuon sa ating kapwa, sa paraang nakikita natin sila bilang hindi iba sa atin. Ito ang dahilan ng “pakikialam” ng Simbahan sa buhay ng lipunang kinapapalooban nito. Walang ibang agenda kundi ang kapakanan ng sambayanan ng Diyos.
Mga Kapanalig, may kasabihan nga: “The price good men pay for indifference to public affairs is to be ruled by evil men.” Walang magbabago kung nasa tabi lang tayo at walang gagawin.
Sumainyo ang katotohanan.