473 total views
Mga Kapanalig, pinatunayang muli ni Pope Francis na sa kanyang pagpapastol, ang ating Simbahan ay gumaganap ng malaking papel sa pagtatatag ng kultura ng pagmamalasakit, pagkalinga, at pagtanggap. Ilan sa mga ginawa at sinabi niya noong nakaraang linggo ay mga konkretong hakbang ng Simbahan sa pagkilala sa kababaihan, pangangalaga sa kabataan, at pagpapahalaga sa pakikinig sa isa’t isa.
Noong ika-23 ng Enero, pinangunahan ng Santo Papa ang paghirang sa mga laykong lalaki at babae sa ministries of lector and catechist. Ayon nga sa mga liturgists at teologo, isa itong hakbang na bahagi pa rin ng mga pangako ng Second Vatican Council na maging mas bukás ang ating Simbahan. Sa synod ng mga obispo noong 2008, mayroon nang mga nagsusulong ng panukalang payagan ang mga babaeng maging bahagi ng ministry of lector. Inabot ng mahigit isang dekada bago naisakatuparan ang pormal na paghirang sa mga babae sa naturang ministry at pagbibigay sa kanila ng ministry roles. Itinuturing itong pagkilala sa pantay na papel ng mga lalaki at babaeng layko sa pagsisilbi sa Simbahan upang ipalaganap ang salita ng Diyos. Binago pa ni Pope Francis ang katagang “lay men” sa Code of Canon at ginawa nyia itong “lay persons”. Bagamat dati nang nagbabasa at tumutulong sa altar ang mga babae sa ating mga parokya, ang pormal na pagbabago sa dokumento ng Simbahan at ang hakbang na ginawa ng Santo Papa ay nagsasabing ang susunod na henerasyon ng mga laykong babae ay bibigyan ng parehas na pagkakataong maglingkod.
Isang namang nakakataba ng puso na payo ang sinabi kamakailan ni Pope Francis sa mga magulang tungkol sa mga bata. “Never condemn a child,” paalala niya. Sa halip na husgahan at hatulan ang mga bata sa kanilang mga ginagawa, paniniwala, pagkatao, at paraan ng pagpapahayag ng sarili, pagsubaybay o accompaniment ang dapat ibigay sa kanila. Sa kanyang lingguhang general audience sa Vatican, hinikayat ng Santo Papa ang mga magulang na tulungan ang mga bata sa pagharap sa kanilang mga problema. Hindi sila dapat matakot sa sakit na maaaring dalhin ng pagsama sa mga bata sa kanilang paglalakbay sa buhay. Ibinigay niyang ehemplo sa mga magulang si San Jose sa paggabay sa kanilang mga anak at iwasang kagalitan o parusahan ang mga bata.
Ang mga salita at gawang ito ng Santo Papa ay nagpapakita ng kanyang imbitasyon sa lahat, lalo na sa ating mga Katoliko, na makinig sa isa’t isa. Sa kanyang mensahe para sa 2022 World Communications Day, sinabi ni Pope Francis na ang pakikinig ang pinakauna at pinakamahalagang hakbang sa pakikipag-ugnayan natin sa iba, kabilang ang mga babae at mga bata. Isa itong pagpapakita ng ating pagmamahal. Sabi pa niya, ito ay dapat na “listening with the ear of the heart” kung saan hindi lamang natin naririnig ang ating kapwa, kundi pinapakinggan at inuunawa natin sila. Nariyan dapat ang hangaring magkakaroon ng unawaan sa pakikipagdiyalogo. Kung wala ang tunay na pakikinig, mauuwi lamang raw tayo sa mga monologues o pagsasalitang sarili lamang natin ang nakauunawa.
Mga Kapanalig, ang mga hakbang at payo ng Santo Papa ay hindi lamang mahalaga upang masabing ang ating Simbahan ay nakikinig at kinikilala ang pagkakaiba-iba natin. Mahalaga ang mga ito dahil magsisilbing gabay ang mga ito sa ating pakikipagkapwa, lalo na sa mga babae, mga bata, at sa mga kakilala nating iba ang paniniwala at pananaw sa mga bagay-bagay. Sabi nga sa Josue 1:9, “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob”; naniniwala tayong bahagi ng ating katatagan at lakas ng loob bilang mga tagasunod ni Hesus ang pagtanggap at pakikinig sa ating kapwa.