173 total views
Nararapat na pangalagaan ang mundo na pangkaraniwang tahanan ng sanilikha.
Ito ang panawagan ng Kaniyang Kabanalan Francico sa ensiklikal na Laudato Si na inilathala noong ika – 24 ng Mayo 2015.
Kabilang na dito ang pagpapahalaga sa kalikasan at maging ng mga hayop na matatagpuan sa sanlibutan.
Kaugnay dito pinaiigting ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pagbabantay sa mga daungan at paliparan sa bansa upang mapigilan ang pagpasok ng mga karneng apektado ng African Swine Flu mula sa walong mga bansa.
Ayon kay Rosendo So, Pangulo ng SINAG iniiwasan ang pagpasok ng mga karne mula ibang mga bansa dahil makahahawa ang virus ng African Swine Flu sa mga alagang baboy.
“Preventive measure ang ginagawa natin kasi hindi namamatay ang virus baka ma-tranfer sa mga backyard farming,” pahayag ni So sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng SINAG na iniimbestigahan ngayon ang mga karneng nakapasok sa Pilipinas mula China subalit hindi naitatala sa Bureau of Customs.
Tiniyak ni So na ligtas sa virus ang mga karneng ibenebenta sa mga pamilihan dahil nagmula ito sa lokal na produksyon subalit binabantayan ng grupo ang mga frozen meat products lalo na ang mga inangkat noong Disyembre mula sa Belgium.
“Dito sa lokal wala tayong problema pero dito sa frozzen binabantayan natin,” ani ng pangulo ng SINAG.
Magugunitang ika – 31 ng Disyembre ng ipinagbawal ng ipinagbawal ng Department of Agriculture ang pagpasok ng mga karneng mula sa Belgium, China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia at Ukraine bunsod ng swine flu fever sa nasabing mga bansa.
Dahil dito hinimok ni So ang mamamayan na agad ipagbigay – alam sa SINAG o sa tanggapan ng Department of Agriculture kung may napag-aalamang balikbayan na nagdadala ng karne lalo na mula sa mga bansang binanggit.
Ngayong araw na ito tinanggal ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang mga tauhan ng quarantine group ng Ninoy Aquino International Airport dahil sa bigong gampanan ang kanilang tungkulin.
Base sa tala ng SINAG 65 porsyento sa suplay ng karne sa Pilipinas ay nagmula sa lokal na produksyon o sa backyard farming.