3,895 total views
Homiliya para sa Ikaanim na Linggo ng Pagkabuhay, Ika-5 ng Mayo 2024, Juan 15:9-17
(Pista ng Mahal na Ina ng Grasya)
Kagagaling namin sa Roma, sa International Synodal Consultation for Parish Priests. Ang huling araw ang pinakahinihintay ng mga pari—ang audience with the Holy Father. Habang nakapila kami, isa-isa kaming sinasabihan ng audience assistant sa Vatican na huwag kaming luluhod sa Santo Papa. Hindi niya kasi ito ikinatutuwa.
Kanina, ito ang bumalik sa isip ko matapos na marinig ko ang reaksyon ni San Pedro nang lumuhod si Cornelio sa harapan niya. Ganito raw ang sinabi niya, “Tumindig kayo. Ako’y tao ring tulad ninyo.” Bakit ganoon ang reaksyon ni San Pedro? Dahil sa tradisyon ng mga Hudyo—walang ibang sapat sambahin ang tao kundi ang Diyos. Totoo ba iyon? Oo naman. Hindi lang iyon sa Hudyo, sa Kristiyano rin. Diyos lang talaga ang dapat sambahin .
Kaya siguro ganoon din ang sinasabi ng isang kantang Tagalog na komposisyon nina George Canseco at Rey Valera na pinasikat ni Sharon Cuneta at ang pamagat ay SINASAMBA KITA. Ganito ang lyrics ng kanta:
Sinasamba kita
Higit sa iyong akalang iniibig lang kita
Paggalang ko sa iyo’y higit sa buhay kong taglay
Wala na yatang papantay, ang buhay ma’y ibibigay ko pa
Sinasamba kita
Sinasamba kita
Kung kasalanan man sa Diyos ang sambahin kita
Marahil ay mauunawaan Niya ang tulad ko
Na labis nagmahal sa ‘yo, masisisi Niya ba ako sinta
Sinasamba kita
Balik tayo sa Santo Papa. Sa kabila ng instructions na ibinigay ng audience assistant, ang dami pa ring pasaway na hindi sumunod. Noong nakakatayo pa ang Papa at matatag pa ang mga tuhod niya, hinahatak niya patayo ang mga lumuluhod sa kanya. Ngayon, dahil naka-wheelchair na siya, hindi na niya magawa iyon. Kaya hinahayaan na lang niya, pero kitang-kita mo sa mukha na nahihiya siya, o hindi niya ikinatutuwa.
Talagang may katigasan ang ulo nating mga tao, di ba? Bakit? Siguro dahil talagang ibig lang nating ipahayag ang pagsamba natin sa Diyos na hindi naman natin nakikita. Sa ating second reading, maiintindihan natin kung bakit napapaluhod tayo kung minsan sa mga taong taong mahal natin. Sabi ni San Juan, “Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pagibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay Pag-ibig.” Saan natin natatagpuan ang Diyos na ibig nating sambahin? Sa karanasan ng tunay, wagas at lubos na pag-ibig. Sinasabi rin ito ni San Pablo: Sa tatlong dakilang kaloob daw ng Espiritu Santo—Faith Hope and Love, ang pinaka-dakila ay LOVE, Pag-ibig. Ito lang ang puwedeng magpabago, magpaganda at magpabanal sa ating pagkatao.
Ito rin lang ang pinakamalinaw na tanda ng pagsasaatin ng Diyos. Ang pagiging maka-Diyos ng tao ay hindi naman nakikita sa pagiging madasalin, mapagsimba, o relihiyoso. Ang mga walang Diyos sa mundo ay hindi naman ang mga walang relihiyon kundi ang walang pag-ibig, ang mga hindi marunong magmahal sa kapwa, ang hindi marunong magmalasakit, magparaya, maglaan ng buhay. Ito rin ang sinasabi ni Hesus, ayon kay San Juan sa ating ebanghelyo. Ang tunay na tumutupad sa utos ng Ama ay ang nananatili sa pag-ibig ng anak. Karugtong ito ng binasa natin noong nakaraang LInggo: ang puno ng ubas at ang sanga. Matutuyo daw at hindi magbubunga ang ang alinmang sanga kapag nahiwalay ito mula sa puno. Bakit? Hindi dadaloy ang grasya na sa puno lamang pwedeng magmula.
Sa Araw na ito, ipinagdiriwang din ng ating Parokya at Dambana ang Pista ng ating Mahal na Ina sa title na Our Lady of Grace, Mahal na Ina ng Biyaya. Saan galing ang title na ito? Sa sinabi ng anghel kay Maria nang balitaan siya na lulukuban siya ng Espiritu Santo: “Napupuno ka ng Grasya, ang Panginoon ay sumasaiyo.” Tayo rin ay napupuno ng grasya, kapag ang Panginoon ay sumasaatin. Ang Grasyang tinanggap at dinala ni Maria sa sinapupunan ay walang iba kundi ang Anak ng Diyos na sugo ng Ama upang maging Tagapaghatid ng Grasya ng Espiritu Santo sa buhay ng lahat ng kanyang mga alagad at kaibigan.
Ito rin ang pinaghahandaan natin sa magkasunod na dalawang Linggo na magiging conclusion ng Pagkabuhay: ang pag-akyat ni Kristo sa Langit at ang Pagbaba ng Espiritu Santo sa mga alagad, upang tayo’y isilang na muli bilang mga anak ng Diyos na pinagmumulan ng lahat ng grasya, upang lahat tayo’y maging daluyan din ng biyaya para sa buong daigdig.
Minsan, may lumapit sa akin. May luha pa sa mga mata niya. Sabi niya, nakita ko po si Jesus sa inyo habang nangangaral kayo, at noong itaas ninyo ang ostia. Saka siya lumuhod sa akin. Siyempre, tulad ni Pope Francis, pareho din ang reaksyon ko; pinatayo ko siya. “Nay, sa kanya ka lang lumuhod at sumamba.” Iyon ang tamang reaksyon ng tao kapag sumasaatin ang Diyos—ang panliliit, ang pagpapakumbaba. Dahil alam natin kung sino tayo—na tao rin tayo, makasalanan, ngunit dinadapuan din ng biyaya, hindi dahil mahal natin siya kundi dahil siya ang unang nagmahal sa atin.
Ganoon din ang reaksyon ni Maria nang dakilain siya ni Elisabet at tawagin siyang Ina ng Manunubos. Ang reaksyon niya ay ang kanyang Magnificat. Para bang gusto niyang sabihin: “Ate Beth, kung naramdaman mo sa akin ang biyaya; ito ay dahil biniyayaan niya ako, ako na kanyang abang alipin.”
Tama ang sabi ng kanta tungkol sa pagsamba ng taong nagmamahal nang tunay. Masisisi mo ba ang tao kapag natuto siyang magmahal nang labis at wagas? Iyon kasi ang sandali ng pagsasaatin ng Diyos, na siya ring naranasan ni Maria, ang ating Mahal na Ina: ang Pagsasakanya ng pinagmumulan mismo ng lahat ng grasya. Nagyari iyon nang buksan niya, hindi lang ang puso at kaluluwa, kundi pati sinapupunan upang maging tahanan ng Diyos. Tabernakulo ang tawag sa pinaglalagyan natin ng Kabanal-banalang Sakramento ng Eukaristiya, ng Kristong sumasaatin bilang Pagkain ng Buhay. Sinasamba natin siya di ba? At mamaya, pagkatanggap natin sa kanya, lahat tayo ay nagiging tabernakulo. Kailangan din nating matutuhang sambahin siya sa bawat kapwa na dapat nating matutunang mahalin kung paano niya tayo minahal.