3,160 total views
Nais ng Philippines for Jesus Movement na pukawin ang kamalayan ng mamamayan ng bansa upang ipagtanggol ang pananampalataya at pag-alabin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
Ito ang layunin ng grupo sa pagsampa ng kaso laban kay drag queen Pura Luka Vega dahil sa pambabastos sa panalanging ‘Ama Namin’.
Ayon kay PJM President Bishop Leo Alconga, bukod sa blasphemy at labis na pang-insulto sa pananampalataya ng mga Pilipino ay malinaw din na isang paglabag sa batas ang ginawa ni Vega sa isang party na pag-awit ng punk rock version ng ‘Ama Namin’ habang nakasuot ng damit ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
“Aming layunin dito ay ipakita at gisingin natin ang ating mga mamamayan na tunay na nagmamahal sa Diyos na kaya nating manindigan at kaya nating ipagtanggol ang ating pananampalataya.” pahayag ni Alconga sa Radio Veritas.
Iginiit ng opisyal ng PJM na marami ang labis na nasaktan sa drag performance ni Vega lalo’t ang Pilipinas ay tinaguriang ‘Christian Nation’ at may marubdob na pananampalataya sa Diyos.
July 31 nang magsampa ng kaso ang PJM laban kay Vega sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code gayundin sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nasasaad sa Article 201 na maparurusahan ang mga indibidwal sa teatro, pelikula o mga kahalintulad na pagtatanghal na nagpapakita ng imoralidad at kalapastanganan laban sa relihiyon at lahi ng mamamayan.
Samantala sa Section 6 naman ng Cybercrime Prevention Act itinuturing na krimen ang paggamit ng teknolohiya upang ihayag ang maling gawain sa publiko.
Iginiit ni Alconga na may limitasyon ang paggamit sa kalayaang magpahayag ng saloobin at mahalagang maunawaan ng mamamayan na hindi ito dapat gamitin sa paglapastangan ng sinuman.
“Our freedom of expression, whatever it is, is not a license for us to use it to damage, insult, and destroy people, especially their faith in God.” ani Alconga.
Ibinahagi ni Alconga na may grupo ang PJM na makipag-ugnayan kay Vega upang himuking aminin ang pagkakamaling ginawa sa pag-awit ng ‘Ama Namin’ sa hindi angkop na pagdiriwang at humingi ng sincere public apology habang tiniyak ang positibong tugon kung tunay ang pagsisising gagawin ni Vega.
Sa August 4, unang Biyernes ng buwan ay magsasagawa ng ‘Holy Hour for Reparation’ ang mga parokya at religious communities ng Diocese of Cubao sa pangunguna ni Bishop Honesto Ongtioco dahil ‘sacrilege act’ na ginawa ni Vega sa panalanging itinuro ni Hesus sa sangkatauhan.