218 total views
March 4, 2020 10:15AM
Pagbabago nagsisimula sa maliit na hakbang
Sa liham Ensiklikal na ‘LAUDATO SI’ ni Pope Francis, paulit-ulit na iginigiit ng Santo Papa sa lahat na ang kalikasan ay isa lamang sa mga bunga ng mas malawak na problema may kaugnayan sa pulitika, kultura, ekonomiya edukasyon, espiritwal at lahat ng aspekto ng buhay ng tao sa kasalukuyan.
Binigyan-diin sa LAUDATO SI ang kahalagahan na pangalagaan ng tao ang tahanan nating lahat na nahaharap sa ecological emergency o climate emergency.
Alinsunod sa LAUDATO SI, pinaigting ng Simbahan ang pag-aaral sa mga komunidad patungkol sa kalikasan, pagsasabuhay sa mga itinuturo sa mamamayan tulad ng maayos na paghihiwalay at pagtatapon ng mga basura, hindi paggamit ng single-use plastic, pagtatanim ng mga indigenous plant na po-protekta sa mga water shed, pagsusulong ng no to mining advocacy, pagtutol sa pagtatayo ng mga dam, pagtatayo ng coal fired-power plant at pagsusulong ng renewable energy sources.
Good news… Matapos ang ilang dekadang panawagan ng mga environmentalist, non-governmental organizations at Simbahang Katoliko na ban sa single use-plastic, inaprubahan ng National Solid Waste Management Commission ang isang resolusyon na nag-aatas sa Department of Environment and Natural Resources na ipatupad ang pagbabawal sa paggamit ng plastic sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan,local government units (LGUs) at lahat ng government controlled offices.
Kabilang sa mga ipinagbabawal ay mga plastic cup na 0.2 millimeter ang kapal,drinking straws,coffee stirrers, disposable na kutsara, tinidor at kutsilyo gayundin ang mga translucent na plastic bags at thin-filmed sando bags na mababa sa 15 microns.
Malaking problema ang plastic pollution sa bansa na ayon sa United Nation reports, 2.7 metriko-tolenada ng plastic ang ginagamit sa Pilipinas kada taon na humahantong lamang sa estero, ilog at mga dagat.
Hindi man naipatupad ang total plastic ban sa buong bansa, ipinagdarasal ng Simbahan na mawala na sa buhay ng mga Filipino ang single-use plastic.
Napapanahon nang ipagbawal ang single-use plastic para maisalba ang pagkasira ng karagatan at mga ilog gayundin ang buhay ng mga lamandagat.
Kapanalig, umaasa tayo na sa pamamagitan ng political will ay maipatupad nationwide ang ban sa single-use plastic.