640 total views
Isa sa mga kaugaliang mahirap matanggal sa ating mga Filipino ay ang paggamit ng plastic sa pang-araw araw nating buhay. Kahit na alam natin na nakakasama ito sa ating kalikasan, patuloy pa rin ang pag-gamit natin nito. Nakatali kasi sa kahirapan ng maraming mga Filipino ang paggamit ng plastic sa ating bayan.
Ang plastic, kapanalig, ay mura. Ito ang pangunahing packaging ng mga produktong nabibili sa ating merkado. Sa pamamagitan na plastic, nakakabili ang mga Filipino ng tingi – mga maliliit na version ng ating mga pangunahing produkto. Dahil sa ganitong uri ng mga packaging, nagiging accessible ang mga iba-ibang produkto sa mga maralita.
Ang plastic industry din kapanalig, ay malaki ang ambag sa ekonomiya ng ating bansa. Noong 2018, $2.3 billion ang nai-ambag nito sa ating national economy. Malaking halaga ito para sa ating ekonomiyang bumabangon pa lamang sa pandemya. Maraming trabaho din ang nalilikha ng plastic industry sa bayan.
Kaya lamang, ang mga plastic na ito ay patuloy din sa pagsira ng ating kalikasan. Patuloy itong bumabara sa ating mga daluyang tubig at pumapatay ng buhay sa ating mga karagatan at ilog. Sa tagal nating gumagamit ng plastic, hirap pa rin ang ating lipunan na maayos itong maitapon o ma-dispose. Hindi natin sila ma-recycle, hindi natin sila ma-upcycle. Tila ang nagiging opsyon na natin sa pag-dispose ng mga plastic ay ang pagtapon. At karamihan sa mga plastik na ito, sa karagatan napupunta.
Dahil dito, ang ating bansa ay isa sa mga kinikilalang isa sa mga nangungunang plastic polluter sa buong mundo. At ang pinsala na dala ng plastic sa ating kalikasan ay hindi mapapantayan ng kahit anong halagang pera. Ito ay dahil buhay ang kinikitil nito – buhay sa karagatan na nagbibigay buhay din sa ating mga tao.
Kailangang, kapanalig, na mabawasan ang single-use plastics sa ating lipunan. At habang nag-transisyon tayo mula dito, mahalaga na mapalakas ang materials recovery at recycling facilities sa ating bayan upang maiayos nating madispose, irecycle, at ma-upcycle ang mga plastic na ginagamit na bayan.
Kapanalig, ang pag-gamit ng plastic ay convenient at mura – malaking ganansya para sa marami sa atin. Pero tandaan sana natin, ang paggamit nito ay may kaakibat na responsibilidad. Sabi nga ni Pope Francis sa mga business leaders sa 2018 Vatican conference on the fourth World Day of Prayer for the Care of Creation, “We cannot allow our seas and oceans to be littered by endless fields of floating plastic.”
Hindi lahat ng plastic ay kailangang mapunta sa basura, kapanalig. Hindi ba’t nakikita natin na may mga entrepreneurs na gumagamit ng mga pakete ng plastic para maging mga bag, wallet, eco bag, at maging packaging muli? Maaari nating suportahan ang mga ganitong inisyatibo upang mas maging laganap pa sila sa ating bayan.