685 total views
Kapanalig, marami tayong mga kababayan na haling na haling sa mga kdramas ngayon. Hindi natin sila masisi dahil marami naman talagang magandang serye mula sa South Korea. Liban dito, ang sining talaga sa bansang ito ay hitik na hitik sa ngayon. Naging malaking driver na nga rin ito ng kanilang ekonomiya, at nagtutulak pa ng tagumpay sa iba pa nilang industriya gaya ng turismo at pagkain. Ang kpop industry, at sa kabuuan, ang kanilang entertainment industry ay isang cultural phenomenon na hindi lamang bumago ng kasaysayan ng kanilang bansa, malaki na rin ang impluwensiya nito sa global scene. Ang isa nga sa kanilang boyband group, ang sikat na sikat na BTS, ay naging ambassador ng UNICEF, at naabot ang halos lahat ng bansa mundo ng kanilang mga positibong mensahe ukol sa pagmamahal at pangangalaga sa sarili. Napakahalagang mensahe nito ngayon lalo na sa panahon ng pagtaas ng mga mental health issues sa mga kabataan.
Ang isa sa mga kapansin pansin na elemento ng entertainment industry sa Korea ay ang kaugnayan nito sa maraming mga kabataan. Ang mga idolo mula sa kanila ay nagte-training o sinasanay sa sining sa murang edad pa lamang. At dahil dito, naging fruitful o mabunga ang kanilang kultura at naabot na ang halos lahat ng bahagi ng mundo.
Kapanalig, ang ehemplo nila ay nagpapakita ng kahalagahan ng sining at creativity sa ating buhay, lalo na sa mga kabataan. Ang paghahasa ng creativity at imagination ng mga kabataan ay kasama at integral sa kanilang karapatan na maihayag ang kanilang sarili, respetuhin ang kanilang perspektibo at opinion, at kalayaan mag-isip. Kapag ating hinahasa ang kanilang creativity at imahinasyon, tinuturuan natin silang magkaroon ng confidence o kumpiyansa sa kanilang sarili, mag-isip ng kritikal, at makabuo ng mga inobasyon na babago ng ating mundo. Kung atin tatanggalin ang sining o arts sa kanilang paligid, tinatatanggal natin ang mga visual cues at reminders na magpupukaw ng kanilang creativity.
Ang mga arts and crafts, kasama ang ang mge dekorasyon sa paligid ng mga bata, ay isang mahalagang bahagi ng early childhood development. Sa mga kuweba nga ng sinaunang tao, may mga sining na. Marami ng research na nagpapakita na ang sining, arts and crafts ay nagdedevelop ng brain capacity ng mga bata. Ang pag-gawa din ng mga dekorasyon ay nagpapalakas din ng motor at physical skills ng mga bata.
Ang sining o art kapanalig, ay pinapakita ang posibilidad at ganda ng mundo, at pinupukaw nito ang mga bata na magnilay. Nilalapit din nito ang bata sa Diyos dahil ang sining ay mas nilalapit tayo sa ganda ng nilika ng ating Panginoon. Ayon nga kay Pope Francis mula sa kanyang mensahe ika-sampung anibersayon ng Diakonia of Beauty sa : “Artistic creation completes, in a certain sense, the beauty of Creation, and when it is inspired by faith reveals more clearly to people the divine love which is its origin.”
Sumainyo ang Katotohanan.