566 total views
Mga Kapanalig, nitong nagdaang linggo ay nailuklok bilang ika-46 na pangulo ng Estados Unidos si Joseph Biden matapos ang isang magulong yugto sa kasaysayan ng demokrasya sa bansang iyon. Pangalawang pagkakataon pa lamang ito na naghalal ang mga mamamayan ng Amerika ng isang Katoliko bilang pangulo; ang una ay si John F. Kennedy.
Marami ang nagsasabing ang kanyang pananampalataya ay nasa sentro ng pagkatao ni Joe Biden, at dahil dito, magiging napakalaking impluwensiya nito sa kanyang pamumuno sa makapangyarihang bansang Amerika. Sa katunayan, bago siya nanumpa bilang pangulo, dumalo siya sa isang church service sa isang Katolikong simbahang malapit sa US Capitol. Alam ng maraming sumubok at lalo pang nagpatatag ng kanyang pananampalataya ang personal na mga trahedyang dinaanan niya sa buhay: ang pagkamatay ng kanyang unang asawa at anak na babae sa isang aksidente, at ang pagkamatay ng kanyang anak na lalaki.
Napakalaki ng pagkakaiba ng mga patakarang isusulong ni Biden, bilang isang Democrat, sa mga patakaran ng sinundan niyang pangulo na si Donald Trump, na isang Republican. Subalit, higit sa pagkakaiba ng ideolohiya o patakaran, ang pagkatao niya ang pinakamahalagang dala-dala niya sa kanyang panunungkulan at paglilingkod sa kanyang mga kababayan at sa buong mundo. Tunay ngang ang pagkatao ng isang lingkod-bayan, lalo pa kung ito ay tunay na nakaugat sa pananampalataya, ang magbibigay-dahilan upang ibigay ng mga tao ang kanilang tiwala sa kanya.
Sa isang panayam niya noong siya ay bise-presidente pa lamang ay pinag-usapan niya ang kanyang pagiging isang Katoliko at ang impluwensiya ng mga turo ng Simbahang Katolika sa kanya. Sinabi niyang ang pinakasandigang pagpapahalagang nakuha niya mula sa mga panlipunang turo ng Simbahang Katolika ay ang dignidad ng tao at pagkiling sa mahihirap, at ito ang batayan ng kanyang mga kilos at desisyon sa personal na buhay man o bilang pulitiko.
Kaya naman, matapos siyang manumpa bilang pangulo, ilan sa mga unang executive orders na kanyang pinirmahan ay may kinalaman sa pangangalaga ng dignidad ng tao. Isa rito ay ang pagbalik ng Amerika ng suporta nito sa World Health Organization upang makiisa sa global vaccination program na magsisigurong makakukuha ng bakuna ang mga mahihirap na bansa. Ang ikalawa ay ang pagsali muli ng Amerika sa Paris Agreement, ang pandaigdigang kasunduan kung saan nangangako ang mga malalaking bansang babawasan ang kanilang carbon emissions upang mapigilan ang pagtindi ng mga epekto ng climate change. Ang ikatlo ay ang pagsugpo sa “systemic racism” at pagtanggal sa mga hadlang sa pagkakapantay-pantay ng oportunidad na makatanggap ng serbisyong pampubliko.
Napakagandang mamalas na ang mga turo ng ating Simbahan ukol sa pagkakapatiran—na makikita sa pagkalinga sa mahihirap, pangangalaga sa kalikasan upang protektahan ang mahihinang mga komunidad, at ang pagsisigurong ang bakuna laban sa COVID-19 ay makararating sa mga mahihirap na bansa—ay nailalapat sa mga kongkretong patakaran at kautusan ng isang gobyernong pinamumunuan ng isang taong pinahahalagahan ang dignidad ng tao. Kitang kita kung paanong, gaya ng sinasaad sa encyclical na Fratelli Tutti, ang pagkakapatiran, dahil ito ay nakaugat sa dignidad ng tao, ay magbubunga ng higit na mabuting uri ng pulitika.
Mga Kapanalig, sapagkat napakahalaga ng pulitika sa buhay panlipunan, ayon pa rin sa Fratelli Tutti, napakahalaga ng kung ano ang nasa puso ng mga namumuno. Maging ang Diyos ay sa puso tumitingin sa pagpili ng pinuno ng kanyang bayan. Wika nga niya kay Salomon sa unang aklat ng mga Cronica 28:9: “At ikaw naman, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang buong puso at pag-iisip, sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang ating damdamin at nauunawaan ang ating binabalak at iniisip.”