428 total views
Mga Kapanalig, nilagdaan noong isang linggo ni Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11659 na nag-aamyenda sa Commonwealth Act No. 146 o ang Public Service Act. Ngayon lang ito naamyendahan matapos ang 85 taon.
Pinahihintulutan ng bagong batas na magkaroon ng isandaang porsyentong pagmamay-ari ang mga dayuhan sa mga negosyo sa sektor ng telecommunications, airlines, expressways at tollways, railways, at shipping. Mananatili namang hanggang 40% ang maaaring pagmamay-ari ng mga dayuhan sa ibang negosyong naghahating ng pampublikong serbisyo katulad ng kuryente, tubig, at petrolyo.
Pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang Kongreso sa pagpapasá ng panukalang ito dahil makatutulong daw ito sa panunumbalik ng ating ekonomiyang pinilay ng pandemya. Malugod ding tinanggap ng mga grupo ng negosyante ang anila’y “game-changing” na batas. Ang pagluluwag sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa ilang pampublikong serbisyo ay makakaakit daw ng kapital o pamumuhunan, lilikha ng mga trabaho, at magpapausbong ng mga innovations o pagbabagong magpapabuti sa kalidad at magpapababa sa presyo ng mga pampublikong serbisyo, lalo na sa transportasyon at komunikasyon.
Subalit may ibang pananaw si Bayan Muna Representantive Carlos Zarate. Nangangamba siyang magreresulta ang bagong batas ng patuloy pang pagtataas ng mga bilihin at serbisyo. Ito ay kung matutulad ang bagong Public Service Act sa Oil Deregulation Law na naisabatas noong 1998 at Electric Power Industry Reform Act (o EPIRA) na naisabatas noong 2001. Hindi naman daw tunay na nagbunga ang mga ito ng mababang singil sa kuryente, at ramdam na ramdam pa rin ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at ang epekto nito sa mga bilihin magpasahanggang ngayon.
Sino nga ba ang higit na makikinabang sa pagsasabatas ng bagong Public Service Act? Makikinabang kaya ang mga kababayan nating labis na naapektuhan ng pandemya nitong nakaraang dalawang taon at ng pagtaas ng mga bilihin dulot ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo? Makikinabang kaya ang ating mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at kabataang itinuturing na pinakamahirap na sektor sa ating lipunan? Makikinabang kaya ang ating mga kababayan sa kanayunan, kung saan nakatira ang 70% ng mahihirap sa ating bayan? Kung makalilikha nga ng trabaho ang pagpapatupad ng bagong batas na ito, makatitiyak ba tayong ang mga negosyante, dayuhan man o Pilipino, ay magbibigay ng sapat at makatarungang sahod at benepisyo sa kanilang mga manggagawa? Higit sa pagpapasigla sa ating ekonomiya, mahalaga na ang batas na ito ay tunay na makatulong na makaahon tayo sa krisis na kinakaharap natin, lalo na ang mga kapos at hirap sa buhay.
Minsan nang pinuna ni Pope Francis ang pagkiling ng umiiral na sistema ng ekonomiya sa mga malalaking korporasyon at mga negosyo, samantalang may mga patakarang inilalagay ang mahihirap sa kalagayang sila pa ang kailangang maghigpit ng sinturon. Bahagi ito ng tinawag niyang “ideological colonialism” kung saan ang mahihirap ay itinuturing lamang na bahagi ng isang malaking makinang lumilikha ng yamang iilan lamang ang nakikinabang. Huwag sanang maging instrumento ang Public Service Act ng ganitong pagsasamantala sa mahihirap at ng paglawak pa ng puwang sa pagitan ng mga mayaman at dukha sa ating bayan.
Mga Kapanalig, upang tunay na maging “game-changing” ang pag-amyenda sa Public Service Act, dapat itong magbunga ng tinatawag na healthy competition sa mga namumuhunan upang ang pinakamahusay ngunit abot-kayang serbisyo ang matanggap ng publiko. Dapat din itong makalikha ng mga trabahong magbigay ng disenteng kita at sapat na benepisyo sa mga manggagawa. Bantayan nating mabuti ang pagpapatupad ng batas na ito upang maipakita ng pamahalaan ang tunay na malasakit nito sa mahihirap at maigawad ang katarungan sa kanila, gaya ng ipinapaalala sa atin sa Mga Kawikaan 29:7.