1,291 total views
Mga Kapanalig, inihayag ni Department of Agriculture Secretary William Dar na kanyang pinahintulutan ang pag-angkat ng Pilipinas ng 60,000 metric tons na isda katulad ng galunggong at alumahan. Kailangan daw itong gawin upang punan ang inaasahang kakulangan sa lokal suplay sa unang tatlong buwan ng kasalukyang taon. Ayon sa kalihim, aabot sa halos apat na bilyong piso ang pinsalang naiwan sa sektor ng pangisdaan ng Bagyong Odette na nanalasa bago matapos ang 2021, at tiyak na maapektuhan nito ang suplay ng isda.
Noong nakaraang taon, umigting ang pag-aangkat natin ng bigas, karneng baboy, at iba pang produktong pang-agrikultura. Dahil sa pagkalat ng African swine fever (o ASF) sa Pilipinas simula noong 2019 na nagdulot ng kakulangan sa suplay ng karneng baboy, nag-angkat ang gobyerno ng 167,000 na tonelada noong 2020. Kasabay ng pagluluwag sa mga patakaran sa pag-angkat katulad ng pagtataas ng dami ng maaaring iangkat o ang tinatawag na minimum access volume, ibinaba rin ang taripa sa mga karneng galing sa ibang bansa; mula 30%, ibinaba ito sa hanggang 10%. Sa suplay naman ng bigas, matagal nang nag-aangkat ang Pilipinas at nahikayat pa lalo ito nang naipasa noong Pebrero 2019 ang Rice Tariffication Law. Sa taong 2021, ibinaba pa ng gobyerno ang taripa sa imported ng bigas mula 40% hanggang 35% sa layuning madagdagan ang suplay at mapababa o mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas.
Bakit nga ba kailangan natin laging mag-angkat ng mga pangunahing produktong pang-agrikultural samantalang ang Pilipinas ay itinuturing na isang agrikultural na bansa sa dami ng ating yamang-lupa at yamang-dagat? Bukod sa pagtitiyak ng sapat na suplay, madalas ding idahilan ng mga opisyal ng gobyernong ang layunin ng pag-aangkat ay upang maibaba ang presyo ng mga bilihin. Ngunit ganoon nga ba ang nangyayari? Nakinabang ba talaga ang mga mamimili?
Sa totoo lang, ang mas nalulugi at kawawa sa pagdepende natin sa pag-aangkat ay ang mahihirap, lalo na ang mga magsasaka at mangingisdang pangunahing producers ng ating pagkain. Dahil sa dumarami ang suplay, hindi sila makabenta sa magandang presyo. Dehado pa sila dahil sila ay mga mamimili o consumers din. Kapag nagkukulang ang mga magsasaka at mangingisda sa kanilang pang-araw-araw na pagkain, wala silang magawa kundi ang bumili ng bigas o isda sa halagang mas mataas sa pagkakabenta nila ng kanilang ani at huli. Ang mas nakikinabang sa pag-import ay ang negosyanteng nakakapag-angkat ng mga produkto sa murang halaga dahil na rin sa mga pinababang taripa. Nagmamay-ari din sila ng mga pasilidad kung saan pansamantalang iniiimbak ang mga produktong kalaunan ay ibebenta nila nang mas mahal.
Sa kalendaryo ng Simbahang Katoliko ngayon, nasa panahon tayo kung saan ang mga pagbasa ay tungkol sa tinatawag na public ministry ni Hesus. Matutunghayan natin sa Lucas 4:18 na pormal Niyang sinimulan ang kanyang misyon nang pumunta Siya sa sinagoga kung saan kanyang ipinahayag: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang Niya Ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo Niya Ako upang ipahayag sa mga bihag na sila ay lalaya, at sa mga bulag na sila ay makakakita. Isinugo Ako upang palayain ang mga inaapi.” Maliwanag sa pahayag na ito ni Hesus ang pagkiling ng ating Panginoon sa mga nasa laylayan ng lipunan, bagay na binibigyang-diin ng pag-ibig sa pagkiling sa mahihirap, isang prinsipyo ng Catholic social teaching.
Mga Kapanalig, ang kapakanan ng mahihirap din sana ang isinasaalang-alang ng ating mga lider sa paggawa nila ng kanilang mga desisyon, katulad ng pag-aangkat ng pagkain. Sa pagtukoy nila ng iba’t ibang solusyon sa kakulangan natin sa pagkain, pinag-aaralan din dapat ang magiging epekto ng mga ito, lalo na sa mga maliliit sa ating lipunan.
Sumainyo ang katotohanan.