336 total views
Mga Kapanalig, sinong magtatanggol sa mga manananggol kung sila na ang biktima ng paglabag sa karapatang pantao?
Ito ang tanong ng grupong National Union of People’s Lawyers o NUPL matapos ang pagpaslang sa kanilang founding member na si Atty. Benjamin “Ben” Ramos. Kilala si Atty. Ramos bilang human rights lawyer na tumutulong sa mga magsasaka, environmentalists, at mga aktibista. Takbuhan siya ng mga maralitang kliyente kaya tinagurian siyang “go-to pro-bono” na abogado.
Maraming tinitingnang anggulo sa pagpaslang kay Atty. Ramos. Nariyan ang posibilidad na may kaugnayan ang pagpatay sa kanya sa kontrobersiyal na kaso ng “Mabinay 6” o ang anim na kabataang aktibistang dinakip noong Marso sa Mabinay, Negros Occidental, matapos nilang pagbabarilin diumano ang ilang sundalo.
Tinitingnan din kung konektado ang krimen sa pagkakasama ni Atty. Ramos sa poster na inilabas noong Abril ng lokal na pulisya sa Negros Occidental. Nakalagay sa poster ang mga larawan at pangalan ng mga sinasabing miyembro ng armadong kilusan, bagay na inalmahan noon ng mga militanteng grupo dahil nagsilbi raw iyong hit list o listahan ng mga itutumbang kalaban ng pamahalaan.
Posible ring nag-ugat ang pagpaslang kay Atty. Ramos sa pagtulong niya sa mga biktima ng tinaguriang Sagay massacre. Sa massacre na iyon, siyam na manggagawa sa isang tubuhan sa Sagay, Negros Occidental ang pinagbabaril ng mga hindi pa rin nakikilalang suspek. Kilaláng malapit sa mga magsasaka si Atty. Ramos, at isa siya sa mga nagtatag ng Paghiliusa Development Group, isang samahan ng mga magsasaka at sakada sa Negros Occidental.
Pang-tatlumpu’t apat na si Atty. Ramos sa listahan ng mga pinaslang mula sa legal na propesyon simula nang mag-umpisa ang administrasyong Duterte. Pang-dalawampu’t apat na siya sa mga abogadong pinatay. Karagdagan siya sa hindi na halos mabilang na biktima ng pagpatay sa ilalim ng administrasyong Duterte, at ang pinakamarami nga sa kanila ay ang mga napapatay bunsod ng “war on drugs” ng pamahalaan.
Tumatangis ang langit sa nagpapatuloy na kultura ng karahasan sa ating bayan at sa dumaraming bilang ng mga kaso ng patayang yumuyurak sa dignidad at karapatang mabuhay ng mga biktima. Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na magiging ganap na makatarungan lamang ang isang lipunan kung iginagalang ng mga kasapi nito ang dignidad ng tao. Nagpapanggap lamang na makatarungan ang isang lipunang hinahayaang mamayani ang karahasan at pinapalakpakan ang pagdanak ng dugo.
Ayon kay Pope Leo XIII sa Rerum Novarum, “…no man may with impunity violate that human dignity which God himself treats with great reverence.” Dapat papanagutin ang sinumang lumalabag sa dignidad ng kanyang kapwa, sa dignidad na ikinararangal mismo ng Diyos. Kaya’t bilang mga Kristiyano, tungkulin nating manindigan para sa dignidad ng tao at manindigan laban sa walang saysay na pagpatay sa ating paligid.
Ang nakalulungkot, maging ang mga taong katulad ni Atty. Ramos na bagama’t hindi perpekto ay naging tapat sa tungkuling ipagtanggol ang dignidad at karapatan lalo na ng mga maliliit sa lipunan. Marahil para sa ilan, karagdagan lamang siya sa napakarami nang pinapatay sa ating bansa. Ngunit para sa mga magsasaka, environmentalists, at mga aktibistang kanyang tinulungan at para sa mga kasamahan niya sa larangan ng pagtatanggol sa karapatang pantao, isa siyang malaking kawalan.
Mga Kapanalig, huwag nating hayaang magpatuloy ang pagdanak ng dugo sa ating bayan. Totoong malalakas at matataas na tao ang nasa likod ng mga pagpatay, ngunit hindi tayo dapat tumiklop sa takot. Nawa’y magsilbing inspirasyon sa atin ang katapangan ni Atty. Ramos at ng iba pang abogado na pinaslang dala ng kanilang propesyon, ng kanilang misyong manindigan para sa dignidad ng tao. Sa mga panahong sila ang nangangailangan ng mga manananggol, nawa’y maging tagapagtanggol din nila tayo.