279 total views
Homiliya para sa Miyerkoles ng Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon, Ika-7 ng Setyembre 2022, Luk 6:20-26
May napanood akong video ng isang binata. Niregaluhan siya ng parents niya ng bagong pares ng salamin para sa mata niya. Sa totoo lang akala niya malinaw ang paningin niya, pero meron pala siyang diperensya na natuklasan lang niya nang pumasok na siya sa school. “Color blind” pala siya. Kaya nang mag-celebrate siya ng 18th birthday niya niregaluhan siya ng ispesyal na salamin para sa mga “color blind.”
Ang ganda ng eksena sa video nang isuot niya ang salamin at tumingin siya sa paligid niya. Natulala siya, namangha, at maya-maya ay naluha. Noon lang kasi niya nakita ng tunay na kulay ng langit, ng mga ulap, mga dahon at mga bulaklak. Noon lang niya nakita ang kulay ng mga mata, pisngi at labi ng nanay niya. Akala niya noon dalawang kulay lang ang meron sa mundo: black and white at shades of gray. Nagulat siya sa bagong daigdig na napagmasdan niya nang suotan siya ng bagong salamin.
Ang pananampalataya ay parang salamin din; salamin ng kaluluwa. Pinalilinaw ang ating paningin tungkol sa buhay. Minsan kasi ang inaakala nating mapalad dito sa mundo ay sawimpalad pala. At ang inaakala naman nila na sawimpalad ay mapalad pala. Ganito ang sinasabi ni Hesus sa ating ebanghelyo. Para niyang nireregaluhan ang mga alagad niya ng bagong salamin.
Isang magandang paalala ito sa mga taong hindi man malabo ang paningin sa buhay ay parang panay “black and white” lang ang nakikita. Palagay ko parang ganito rin ang ibig sabihin ni San Pablo sa ating unang pagbasa, at kung bakit niya sinasabing dapat matutong dumistansya ang tao sa anumang nararanasan niya. Dapat daw iwasan ng tao na siya’y mawili sa anumang meron siya, “dahil lahat ng bagay sa mundong ito ay lilipas.” Tinuturuan niya tayong tumingin sa mga hangganan ng buhay dito sa mundo mula sa abot-tanaw ng walang hanggan.
May kasabihan tayong mga Pilipino, “Huwag mong tanggihan ang grasya at baka lumabo ang iyong mga mata.” Higit na mas delikado kaysa pagtanggi sa grasya ay ang pagkalimot o hindi pagkilala sa mga tunay na pagpapala dito sa mundo.
May isang magandang tradisyon ang mga Amerikano na tinatawag nilang “Thanksgiving Day.” Sine-celebrate ito taon-taon ng mga Canadians tuwing 2nd Monday ng October at ng mga taga Estados Unidos kapag 4th Thursday of November. Araw daw ito ng pagkilala sa mga dapat ipagpasalamat sa buhay bago nila kainin ang Thanksgiving Dinner.
Di ba napakagandang ritwal ng pagtanaw ng tao ng tinatanggap niyang mga pagpapala. Sa totoo lang, hindi sapat ang minsan isang taon para sa ritwal na ito. Kung ang buong buhay ng tao ay biyaya, dapat siguro araw-araw Thanksgiving Day. Ang original meaning ng inimbento nating salitang “Eukaristiya” na hiniram mula sa Griyego ay PASASALAMAT, at isa ito sa pinakamahalagang sangkap ng buhay Kristiyano.
Kapag bata pa kasi tayo, kapag nasa kasibulan pa ng kalusugan, malakas, productive, at kumikita, madali tayong makalimot na wala naman tayong bitbit nang isilang tayo at wala rin tayong bibitbitin pagkamatay natin.
Sabi nila kapag nagiging maunlad ang isang bansa, mas lalong nagiging materyoso at bumababa naman ang kalidad ng buhay espiritwal. Ang nagiging pangunahing pagtingin ng tao sa lahat ng meron siya ay karapatan. Kaya may tendency na kung kailan umuunlad, mas lalong nagiging maramot. Akala lahat ng meron siya ay gantimpala sa kanyang pagsusumikap o bunga ng kanyang pinagpaguran. Nakakalimutan ang lahat ng naging bahagi ng kanyang tinatamasang mga pagpapala. Unti-unti, sa hindi niya namamalayan, nawawalan ng kulay ang buhay. Nagiging black and white na lang ang lahat. Ang nagiging pagtingin sa mga mahihirap ay ganito: kaya sila dukha ay dahil sila’y tamad o umaasa lang sa tulong ng iba.
Sa Book of Revelations, may isang sulat para sa pamayanan ng Laodicea. Isang sumbat. Ganito raw ang sabi ng anghel sa kanila, “Sinasabi mo, ‘Mayaman ako at sagana sa lahat.’ Hindi mo alam na ikaw ay dukha ng tanang dukha, kalunos-lunos ang kalagayan, aba, hubad, at bulag. Sa akin ka bumili ng dinalisay na ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman…”
May sumikat na kanta si Dulce noong kabataan ko pa. Kung di ako nagkakamali ipinanalo niya iyon sa Metro Manila Pop Music Festival. Sabi ng kanta,
“Sino’ng dakila?
Sino ang tunay na baliw?
Sino’ng mapalad? Sino’ng tumatawag ng habag?
Yaon bang sinilang na ang pag-iisip ay ‘di lubos
Oh, husto ang isip, ngunit sa pag-ibig ay kapos”
Magandang paalala ito, katulad din ng ating mga pagbasa ngayon, para sa mga nahuhumaling o nakalilimot o lumalabo ang mga mata sa grasya at wala nang nakikita kundi puti at itim.
Katulad ni Mama Mary na napaawit ng kanyang Magnificat tungkol sa kadakilaan at kagandahang loob ng Diyos, sana’y panatilihing ding malinaw ng Espiritu Santo ang ating paningin upang lagi nating makita at mapagmasdan ang makukulay na biyayang hatid niya sa ating buhay at daigdig sa bawat sandali.