197 total views
Ang pagpapabakuna ng COVID-19 vaccine ay hindi lamang para sa sarili kundi sa kapakanan ng kapwa lalo na ng mga mahal sa buhay upang maiwasang malantad mula sa virus.
Ito ang panawagan ni Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo upang hikayatin ang mamamayan na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ito ang panawagan ng Obispo matapos na mabakunahan ng first dose ng Sinovac vaccine. Ayon kay Bishop Bagaforo na siya ring National Director ng NASSA/Caritas Philippines, mahalagang makapagpabakuna ang lahat lalo na ang mga senior citizens bilang proteksyon sa COVID-19 virus.
Ayon sa Obispo, mas malala ang epekto ng pagpopositibo sa COVID-19 kumpara sa mababang tyansa ng pagkakaroon ng side effects mula sa mga bakuna.
Pagbabahagi pa ni Bishop Bagaforo na wala namang anumang adverse effect ang kanyang naramdaman matapos na mabakunahan ng Sinovac vaccine maliban sa pagka-antok.
“Wala po tayong ikabahala sa bakuna. Mas maliit po ang chances ng bad side effects sa bakuna kaysa greater vulnerability natin magka COVID-19 positive kung wala bakuna. After 5 days wala po adverse side effect sa akin.. Sinovac my vaccine. Kailangan po natin ito para sa atin at para hindi rin tayo maging carrier ng virus to others esp to our loved ones. Say Yes to vaccine!” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Natanggap ni Bishop Bagaforo at ilan pang lingkod ng Simbahan ang unang dose ng COVID-19 vaccine noong ika-7 ng Mayo sa ilalim ng Anti Covid19 Vaccination Roll Out Program ng City Government of Kidapawan.
Unang inihayag ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Davao Archbishop Romulo Valles ang kahandaan ng mga Obispo sa bansa na magpabakuna upang magkaroon ng tiwala ang mamamayan sa vaccine campaign ng pamahalaan. Sa tala ng Department of Health, kasalukuyang umaabot na sa 1.1-milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan umaabot na rin sa mahigit 18-libo ang nasawi.