1,726 total views
Muling isasagawa ng Basilica Minore del Sto. Niño de Cebu ang lahat ng mga gawain ng kapistahan ng Sto. Niño sa Enero.
Sa pagtutulungan ng basilica at lokal na pamahalaan ng Cebu muling matutunghayan ng publiko ang tradisyunal na Sinulog Festival makalipas ang dalawang taong pagpaliban dahil sa pandemya.
“After two years of hiatus from all public religious activities, the Friars have decided to resume all religious activities of the Fiesta Señor,” bahagi ng pahayag ng basilica.
Ito’y kasunod ng masusing pag-aaral ng lokal na pamahalaan kasama ang mga health expert’s para tiyakin ang kaligtasan ng mga debotong makikiisa sa pagdiriwang.
Kabilang sa muling isasaagawa sa ika – 458 kapistahan ng batang Hesus ang Penitential Walk with Jesus bilang pagbubukas sa selebrasyon sa January 5 sa alas kuwatro ng umaga; Novena Masses mula January 5 hanggang 3; Penitential Walk with Mary sa January 13 sa alas kuwatro ng umaga; Traslaciones sa imahen ng batang Hesus sa mga lunsod ng Mandaue at Lapu-lapu; Fluvial Procession; at grand procession ng Venerable Image ng Sto. Niño de Cebu.
Tema sa kapistahan ngayong 2023 ang ‘Sto. Niño: Our Source of Peace in the Walk of Faith’ kaugnay na rin sa nagpapatuloy na synodality ng simbahang katolika.
Hamon ng mga paring Agustino sa mga deboto at mananampalataya na patuloy pagnilayan ang sama-samang paglalakbay tungo sa landas ni Hesus at makiisa sa misyon ng Panginoon na ipalaganap ang Mabuting Balita sa bawat pamayanan.
Paalala ng basilica sa mga deboto na manatiling sundin ang safety protocols upang maging ligtas sa banta ng COVID-19.
“As we resume all our religious activities this forthcoming Fiesta Señor, we appeal to all devotees, pilgrims, and guests to adhere to all protocols which are being implemented for a safe, order, and solemn conduct of our religious celebration,” dagdag ng basilica.
Ang Sinulog Festival sa Cebu ang isa sa malalaking pista sa Pilipinas na dinadayo ng milyung-milyong deboto sa iba’t ibang panig ng mundo at ng mga turistang dayuhan.