189 total views
Labis ang pasasalamat ni Sr. Patricia Fox, NDS sa mga Lider ng Simbahang Katolika sa Bansa sa paghahayag ng suporta kaugnay sa hinaharap na Deportasyon ng Madre.
Ayon kay Sr. Fox, nagpapalakas ng kalooban ang suportang ipinakikita ng mga Obispo at maging ng sambayanan sa kaniyang pinagdadaanan lalo’t ito ay dahil sa kaniyang pagtupad sa tungkulin bilang Misyonero ng Simbahan na kalingain ang mga nangangailangan at walang boses sa lipunan.
“Siyempre nagpasalamat ako sa Statements ng mga Obispo at sa kanilang suporta kasi para sa akin siyempre tayo lahat may mga mistakes pero subukan ko sumunod sa yapak ng Panginoon kaya mahalagang kinilala ng mga Obispo (Pagmimisyon) kasi yun ang layunin ko.” pahayag ni Sr. Fox sa Radio Veritas.
Unang tinuran ng 71 – taong gulang na madre na tulad ni Hesus handa itong makararanas ng pang-uusig dulot ng mga adbokasiyang itaguyod ang karapatan ng mga mamamayan partikular na ang mga katutubo na kadalasang nabibiktima ng kawalang katarungan sa lipunan.
Aniya, napapamahal nito ang Pilipinas dahil buong pusong tinanggap ng mga Filipino lalo na ng mga katutubo ang madre sa kabila ng pagkakaiba ng kultura at nakasanayan.
Nagpahayag rin ng pagsuporta at pakikiisa si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa madre lalo’t malaki ang naiambag ni Sr. Fox sa mga mamamayan sa Bansa na maisulong ang kanilang mga karapatan.
Ika – 16 ng Abril ng inanyayahan ang Madre sa tanggapan ng Bureau of Immigration upang sagutin ang alegasyong nakikisangkot ito sa mga pagkilos laban sa Pamahalaan na isang paglabag sa Batas ng Pilipinas.
Itinanggi ni Sr. Fox ang Alegasyon at nanindigan itong bahagi ng kaniyang pagmimisyon ang pagtulong sa mga mamamayang nakararanas ng kawalang katarungan at mga naaabuso ang karapatang pantao.
Dahil dito, ika – 18 ng Hunyo ng kinatigan ng Department of Justice ang apela ng Madre na salungatin ang naunang desisyon ng B.I na paalisin ito sa bansa.
Ngunit nitong ika – 19 ng Hulyo ay muling ipinag-uutos ng Bureau of Immigration ang deportasyon matapos lumabas sa imbestigasyon na lumabag ito sa mga limitasyon at kondisyon sa ilalim ng Commonwealth Act 613, Section 9 o ang Missionary Visa at idenekalarang Undesirable Alien sa ilalim ng Article 2711, Section 69 ng Saligang Batas.
Umaasa naman si Sr. Fox, Coordinator ng Notre Dame de Sion sa Pilipinas na mapapalawig pa ang kaniyang pananatili sa bansa.
“Para sa Pangulo ay magkaroon siya ng plano paano makamit ang kapayapan, (at) paano uunlad ang kabuhayan ng lahat ng mga Filipino.” dagdag ng Madre.
Sa Homiliya ng Kaniyang Kabanalang Francisco noong nakalipas na Linggo sa Roma, binigyang diin nitong dapat nakahanda ang bawat binyagang sumusunod sa yapak ni Hesukristo na makaranas ng pang-uusig, paghihirap at pagsakripisyo tulad ng pinagdaanan nitong humantong sa pagbuwis ng sariling buhay.