164 total views
Hindi katanggap-tanggap ang pagtaguri sa 71–taong gulang na Australian nun at misyonero na si Sr. Patricia Fox bilang isang ‘undesirable alien’.
Ito ang binigyang diin ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – Co-Convenor of the Movement Against Tyranny kaugnay sa kontrobersyal na pag-aresto at pagdetine ng Bureau of Immigration kay Sr. Patricia Fox dahil sa pagbibigay suporta sa mga magsasaka at mga katutubo sa bansa.
Iginiit ni Sr. Mananzan na mas maituturing na ‘most desirable alien’ si Sr. Pat sapagkat sa kabila ng pagiging isang dayuhan ay napakalalim ng kanyang simpatya sa kalagayang panlipunan ng mga mahihirap, magsasaka at katutubo sa bansa sa loob ng halos 3-dekada.
Ayon kay Sr. Mananzan, ang naturang hakbang ng Bureau of Immigration ay tahasang paglabag sa demokrasya ng bansa kung saan nararapat na mayroong kalayaan ang bawat isa na magpahayag ng mga puna sa pamamahala ng pamahalaan.
“Of course mabuti naman napalaya na siya but I visited her and I was really so pondered yung sasabihin nilang she is an ‘Undesirable Alien’ sa akin she is the ‘Most Desirable Alien’ and she is not even an alien because she is at home with us specially with the poor people. One thing to have no opposition at all which is really so much against democracy…” pahayag ni Mananzan sa panayam sa Radyo Veritas.
Binigyang diin ni Sr. Mananzan na malaki ang pagkakaiba ng mga gawaing pampulitika sa pagtatanggol sa karapatang pantao ng mamamayan na hindi sapat na batayan upang ipadeport ng pamahalaan ang mga dayuhang misyunero na nakikisimpatya sa kalagayang panlipunan sa bansa.
“Sabi nila partisan politics, sa akin different naman yung partisan politics sa human rights kasi halimbawa kung si Sister ay nagrally for Mar Roxas or for PNoy okey you deport her but if she rallied for the sake for the right of the mga magsasaka that is not partisan politics, I mean to say there are many people here na foreigners especially religious who because of their religious beliefs they stand for the poor and they stand for the oppressed so that’s not partisan politics.” paglilinaw ng Madre
Ayon sa Madre, ang usapin ng karapatang pantao at paghahanap ng katarungan at katotohanan o fact finding ay walang kaugnayan sa anumang gawaing pampulitika dahil naglalayon ito na mahanap ang katotohanan sa pamamagitan ng pag-iimbestiga.
Nauna ng kinundina ng human rights group na In Defense of Human Rights and Dignity Movement o iDEFEND ang panggigipit ng pamahalaan partikular na ng Bureau of Immigration sa mga international human rights defenders na nakikisimpatya sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa kung saan noong linggo ay ipinadeport naman si Party of European Socialists (PES) Deputy Secretary –General Giacomo Filibeck dahil sa sinasabing black list order laban dito.