201 total views
Mananatili pa rin sa bansa ang Australian missionary na si Sr. Patricia Fox makaraang katigan ng Department of Justice ang isinumiteng ‘motion for reconsideration’ sa kanselasyon ng Bureau of Immigration sa kaniyang ‘missionary visa’.
Ayon sa DOJ, walang sapat na batayan para sa ‘visa cancellation’ hanggat hindi pa nareresolba ang deportation case na isinampa laban kay Sr. Fox sa sinasabing pakikialam sa ‘political activity’ sa bansa.
“At naniniwala tayo, nagdasal tayo ay nakikinig ang Diyos,” ayon kay Sr. Fox.
Sa programang Veritas Pilipinas, nagpahatid ng kaniyang pasasalamat ang madre sa mga suporta at nagdasal upang siya ay manatili sa Pilipinas.
“Maraming salamat, para sa lahat ng nagdasal para sa akin. Nakatulong ito para sa desisyon tapos upang maging malakas ako na magpatuloy kasi sa paniniwala ko tama ang ginawa ko para sa mahihirap, naapi. At sana tuloy-tuloy kasi may deportation case pa rin ako,” pahayag ni Sr. Fox.
Naniniwala ang madre na wala siyang nilabag na batas sa halip ay nakakapaghatid siya ng tulong sa mga mahihirap na mamamayan sa bansa.
Si Sr. Fox ay ang provincial superior ng Notre Dame de Sion na nakabase sa Pilipinas na inaresto noong April 16 dahil sa pagdalo sa mga kilos protesta ng mga manggagawa sa Davao City.
Sa isang mensahe ni Pope Francis noong World Day of Consecrated Life – sinabi niyang ang mga gawain ng mga relihiyoso ay isang tunay na kalayaan ng pagtalikod sa kamunduhan dahil sa pag-aalay ng sarili sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.