194 total views
Nananawagan pa rin ng in-site relocation sa pamahalaan ang mga taga Sitio Alimasag, Brgy. 88 San Jose sa Tacloban City na biktima ng nagdaang Bagyong Yolanda upang maging malapit sa kanilang hanapbuhay.
Ayon kay Ofelia Casio, Presidente ng Alimasag Homeowners Association, may ibinigay sa kanila ang National Housing Authority na pabahay subalit karamihan sa kanila, hindi tumira doon dahil sa kawalan ng supply ng tubig, kuryente, malayo sa mga paaralan at malayo sa kanilang kabuhayan.
Sinabi ni Casio na mas pinili nilang manatili sa kanilang lugar dahil malapit ito sa dalampasigan kung saan sila naghahanapbuhay na panghuhuli ng alimasag.
“Sa una, walang tubig at kuryente, yung tubig deliver lang twice a week, problema is tubig binigyan ng livelihood, wala silang training kaya walang nangyari sa livelihood. Nung dumalaw lang si President Duterte dun lang kami nabigyan ng supply ng tubig. Sa pagtatayo ng mga pabahay, walang consultation sa mga tao, dun sa North malayo kasi, kaya ang people’s plan na in-site relocation yan ang gusto namin kasi hanapbuhay namin andito mangingisda lahat, bawat pamilya sa pabahay kasi nila malayo, lugi sa pamasahe patungo sa mga paaralan at sa hanapbuhay,” pahayag ni Casio sa panayam ng Radio Veritas.
Sa record ng NHA, Nasa 2,500 na pamilya lamang ang nanirahan sa kanilang pabahay mula sa 14, 400 na dapat permanenteng na-relocate.
Matatandaang sa Pope Francis Village sa Tacloban City na handog ng Simbahang Katolika, nasa 550 pamilyang nasalanta ng bagyong Yolanda ang nabigyan ng pabahay.
Sa pananalasa ng Bagyong Yolanda noong November ng 2013, mahigit 7,000 ang nasawi at 16 na milyong indibidwal ang naapektuhan na naging dahilan ng pagbisita sa bansa ng Kanyang Kabanalan Francisco noong Enero ng 2015 upang personal na ipadama ang awa at habag ng Panginoon sa mga biktima.