4,807 total views
Ang Mabuting Balita, 7 Marso 2024 – Lucas 11: 14-23
SIYA AY DIYOS
Noong panahong iyon, pinalayas ni Jesus ang isang demonyong sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki, at ito’y nakapagsalita na mula noon. Nanggilalas ang mga tao, ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.” May iba namang nais siyang subukin, kaya’t nagsabi, “Magpakita ka ng kababalaghang magpapakilala na ang Diyos ang sumasaiyo.” Ngunit batid ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi sa kanila, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon. Kung maghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sapagkat binigyan ako ni Beelzebul ng kapangyarihang ito. Kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa inyong mga tagasunod na makagawa ng gayun? Sila na rin ang nagpapatunay na maling-mali kayo. Ngayon, kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos. “Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahan ay nagbabantay sa kanyang bahay, malayo sa panganib ang kanyang ari-arian. Ngunit kung salakayin siya at talunin ng isang taong higit na malakas, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi ang ari-ariang inagaw. “Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon.”
————
Nanggilalas ang mga tao, ngunit para sa ilan sa kanila hindi ito sapat. Humingi pa ng kababalaghan na magpapakilala na ang Diyos ang sumasakanya, para bang ang pagpapalayas ng demonyo ay hindi kababalaghang mula lamang sa Diyos. Marahil sila ay nainggit kay Jesus, kung hindi, bakit nila sasabihing nagpalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng prinsipe ng mga demonyo? Bakit lalayas ang demonyo sa isang taong sinapian niya? Para sa kanila, ito ay isang malaking tagumpay.
Kapag nagaganap ang isang milagro sa atin o kahit sa iba, maging malaki o maliit na milagro, bilang mga Kristiyano ang kailangan lang nating gawin ay ang kilalanin ang kadakilaan ng Diyos at magpasalamat sa kanya. Walang tanong-tanong. SIYA AY DIYOS.
Salamat Panginoong Jesus, sa mga milagro na nagaganap sa aming buhay araw-araw. Salamat na dahil sa iyo, maaari kaming mapunta sa iyong panig at mag-ipon kasama mo!