462 total views
May 19, 2020-10:59am
Ilang bayan pa rin sa Eastern Samar ang nanatili ang baha matapos ang pananalasa ng bagyong Ambo kabilang na ang bayan ng Arteche.
Ito ang inihayag ni Borongan Bishop Crispin Varquez na kabilang sa nagbahagi ng relief goods sa mga apektadong pamilya mula sa ipinadalang tulong ng Caritas Manila.
“Aside sa malakas na bagyo, binaha rin sila mga tao especially sa low lying areas,” ayon kay Bishop Varquez.
Sa kabila nito, patuloy pa ring nagpapasalamat ang Obispo dahil na rin sa tulong ng mga nagmamalakasakit sa mga biktima ng bagyo.
“Nagpapasalamat kami sa Panginoon na marami ang mga taong sumusuporta sa mga kapatid natin dito sa Diocese of Borongan na tinamaan ng bagyo at the same time binaha po sila, marami po ang tumugon at tumutulong,” bahagi ng pahayag ni Bishop Varquez.
Una na ring inihayag ng Obispo na bukod sa mga nasirang bahay, siyam na simbahan ang nawasak ng bagyong Ambo kung saan naitala rin ang apat katao na nasawi dulot ng bagyo.
“Lahat ng mga nakaimbak na gamit at especially ang mga palay sana dahil bago lang nakaani ang mga tao ay underwater lahat. Kaya naaawa ako sa mga tao sa pagbisita ko after the typhoon. Kay nagbilad sila ng mga palay nila na basa,” ayon pa sa Obispo.
Sa kabila nito, nanatili namang Covid-free ang buong lalawigan ng Eastern Samar.