203 total views
Mga Kapanalig, sa listahan ng mga liveable cities sa buong mundo, pang-109 sa 140 na siyudad ang Maynila ngayong 2021. Ayon ito sa Global Liveability Index ng magazine na The Economist na sumusukat sa pagiging livable o pagiging angkop ng isang siyudad upang panirahanan. Ngayong taon, isinaalang-alang ang pandemya sa pagsukat ng pagiging livable ng isang siyudad.
Ang Global Liveability Index ay tumitingin sa limang aspeto ng pamumuhay. Ang mga ito ay stability o kawalan ng krimen, serbisyong pangkalusugan, kultura at kapaligiran, edukasyon, at imprastraktura. Mula sa ika-103 na puwesto noong 2019, bumaba ang Maynila sa ika-109 ngayong taon. Tiningnan ng listahan kung paano nakaaagapay ang mga siyudad sa pangangailangan sa mga serbisyong pangkalusugan at pagsasara ng mga paaralan, kainan, at mga establisyemento sa gitna ng pandemya. Kung titingnan ang listahan, ang mga nangunguna ay ang mga lungsod na nagtagumpay sa pagtugon sa COVID-19 pandemic. Nanguna sa listahan ang siyudad ng Auckland sa New Zealand. Isa ang Auckland sa mga kinikilalang magagandang ehemplo ng pagtugon sa pandemya kung kaya’t mabilis na lumuwag ang pagpapalabas ng mga tao mula sa kanilang tahanan. Nasa unahan din ng listahan ang Wellington na sa New Zealand pa rin, at apat na siyudad sa Australia. Sa Asya, nakasama ang Tokyo at Osaka sa Japan.
Bagamat tagumpay sa pagtugon sa pandemya ang mga nasa unahan ng Global Liveability Index, marami sa mga siyudad sa buong mundo ang bumaba ang puwesto o naging less livable kumpara noong 2019. Dahil na rin ito sa kung paano tumugon ang mga ito sa pandemya. Sa kaso ng Maynila, hindi na marahil nakagugulat ang pagbaba ng puwesto nito. Bago pa man ang pandemya, mababa na ang score ng Maynila sa serbisyong pangkalusugan at pinalalâ pa ito ng COVID-19 dahil sa napakaraming kasong hindi na kayang tugunan ng mga ospital. Isa rin ang Maynila sa may mga siyudad na may pinakamahabang lockdown o community quarantine mula pa noong Marso 2020. Isinara rin ang mga paaralan at mga negosyo sa buong siyudad. Ang isang nakakagulat na resulta ng Global Liveability Index ay ang kawalan ng pagbabago sa stability score ng Maynila na nakatuon sa krimen at kaguluhan sa siyudad. Ibig sabihin, halos parehas lang o comparable ang sitwasyon sa krimen bago at habang may pandemya. Sa imprastraktura, wala ring pagbabago sa score ng Maynila.
Ipinakikita ng ranking ng kapitolyo ng bansa sa index na hindi sapat na mag-Build, Build, Build kung kulang ang pagpapahalaga sa serbisyong pangkalusugan at pagtugon sa krisis na dala ng pandemya. Ganito rin ang sinabi sa atin ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’. Hindi ang pagpapatayo ng mga gusali ang kinakailangan para sa isang habitable city. Ang pagpaplano ng siyudad ay kinakailangang kumikilala sa ugnayan ng kapaligiran at gawain ng mga tao. Ang siyudad, lalo na ang mga espasyong nakalaan para sa lahat, ay dapat nagpapaangat ng antas ng ating pakikiisa sa komunidad at nagpaparamdam na tayo ay nasa iisang tahanan; sa Ingles, “a city which includes us and brings us together”. Kaya’t mahalagang kung ituturing nating livable ang isang siyudad, kinakailangang ang mga nagkakasakit, nagugutom, at nawawalan ng trabaho ay nararamdamang bahagi sila ng kanilang komunidad.
Mga Kapanalig, kagaya ng paghahangad ni Abraham sa “isang lungsod na may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo” sa Mga Hebreo 11:10, kinakailangan nating makita na tayong lahat ay may karapatan sa isang livable city. Bahagi ito ng magandang plano ng Diyos para sa atin—isang siyudad na nagbibigay-buhay sa lahat at walang naiiwan lalo na ngayong nagpapatuloy ang pandemya.