430 total views
Iliulunsad ng Our Lady of the Atonement Cathedral ng Diyosesis ng Baguio ang saints Joachim and Anne Ministry (SIAM) sa July 24, 2021.
Batay sa Circular 07 – 2021 ng diyosesis naitatag ang grupo nang magsimula ang coronavirus pandemic para suportahan ang pangangailangan ng mga lolo, lola at nakatatanda sa lipunan.
Ito rin ay magandang pagkakataon lalo’t ipagdiriwang ng simbahan sa July 25 ang kauna-unahang World Day of Grandparents and Elderly alinsunod sa kautusan ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Tema sa pagdiriwang ang ‘I am with you forever’ kung saan hinimok ni Bishop Victor Bendico ang mga simbahang nasasakupang na magsagawa ng mga programang angkop sa programa.
“If opportunity and inspiration provide, kindly organize a meaningful activity for our Grandparents and Elderly,” bahagi ng liham circular ni Bishop Bendico.
Iniatas din ng obispo sa mga parokya na dasalin ang panalangin para sa mga nakatatanda na inihanda ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines pagkatapos ng komunyon.
Bukod pa rito hinikayat din ni Bishop Bendico ang mga parokya na lumikha ng ministry na nakatuon sa matatanda ng komunidad tulad SIAM para pangalagaan ang kanilang pangangailangan.
Kaugnay sa paglulunsad ng SIAM magsisimula ang mga gawain alas otso ng umaga habang alas onse naman ang banal na misa na pangungunahan ng obispo.
Mahigpit pa ring ipatutupad ng diyosesis ang safety health protocol para sa kaligtasang pangkalusugan ng mamamayan lalo na ng matatanda na lubhang mapanganib mahawaan ng COVID-19.
Una nang kinilala ni Pope Francis ang mga matatanda sa lipunan bilang katuwang ng simbahan sa pagpapadaloy ng pananampalataya hanggang sa susunod na henerasyon.