175 total views
Pabor ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ipagpaliban muna ang Sangguninang Kabataan elections na gaganapin ngayong Oktubre.
Ayon kay PPCRV chairperson Henrietta De Villa, panahon na para pag-aralang mabuti ng kinauukulan kung ano talaga ang gamit ng mga opisyal ng mga kabataan sa barangay dahil base sa mga ulat, nagagamit lamang sila sa mga maling gawain.
“Ang recommendation namin dahil napakarami sa mga barangay officials, partisan sila, pero sa eleksyon ang maraming problema para silang “Kabo” ng mga political party, kaya nakikita natin sa barangay, talamak ang drugs puwedeng-pwede na pasukan yan ng pera kaya mabuting i-review nilang maigi ang ‘usefulness’ o tingnan ang batas about brgy. officials, ano ba talaga ang serbisyo ng SK, lalo na napasukan ng political dynasty at ang pamamaraan ng pangangampanya, kahit mga bata natututo ng hindi mgandang asal, SK i-review maigi at i-klaro hingin ang opinyon ng tao ano ba talaga ng pakay ng SK,” pahayag ni De Villa sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi pa ni de Villa, na kinakailangang huwag na munang ituloy ang SK elections ngayong Oktubre dahil hindi pa tapos ang Commission on Elections (Comelec) sa mga assessment at accountability ng nagdaang May elections.
Panukala pa ni de Villa, kung babaguhin ang Saligang Batas ng administrasyong Duterte kinakailangang talakayin din ang SK kung ano ang pakinabang dito ng taong-bayan.
“Katatapos lang hindi pa nakukumpleto ang assessment at accountability ng May elections tapos naghahanda na naman para sa brgy. elections, hindi ka na makahinga, dapat ipagpaliban na muna, saka hindi natin alam ano ba mangyayari sa Constitution kailan nila gagalawin for amendment or new kind of government mabuti tingnan na rin yun as a whole,” ayon pa sa PPCRV chairperson.
Ayon sa National Youth Commission (NYC), nasa 40 percent ng 52 million registered Filipino voters nitong nagdaang halalan ay mga kabataan may gulang 18 hanggang 30.
Matatandaang sa encounter with the Youth sa UST ni Pope Francis noong Enero ng 2015, hinamon nito ang mga kabataan na mag-isip, makiramdam at kumilos upang tunay na makapagbahagi sa kapwa, partikular na sa mga nangangailangan at maging sa kapakanan ng buong bayan.