659 total views
Mahalaga ang maaga at puspusang paghahanda para sa 2022 national elections na magtatakda sa kinabukasan at hinaharap ng bansa.
Ito ang binigyang-diin ni Bro. Roquel Ponte, Pangulong ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, kaugnay sa serye ng online conversation na ibinabahagi ng organisasyon bilang paghahanda sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Ponte, bagamat mahigit 9 na buwan pa bago ang nakatakdang halalan ay dapat na aktibo ang lahat sa pagsusuri sa kasalukuyang mga usaping panlipunan na maaaring maging batayan sa pagpili at pagkilatis ng mga karapat-dapat na lider ng bansa.
Naniniwala si Ponte na sa pagpasok ng ber-month ay magsisimula na rin ang iba’t ibang mga political activities lalo na ng mga nagnanais na tumakbo para sa nakatakdang eleksyon sa bansa.
“I believe that itong ating [online] conversation is very important for the political exercise that we will be having next year. Next year po ‘yon pero halos 9 months na lang, a little over 9 months and I’m sure that when the ber-months comes which is this coming Wednesday ay magpa-fast forward na po ang lahat ng political activities,” pahayag ni Ponte sa naganap na online conversation ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Iginiit ni Ponte na bahagi ng tungkulin o mandato ng mga laiko na pangunahan ang pagsusulong ng mga turo ng Simbahan sa pamamagitan ng pakikisangkot sa mga usaping panlipunan kabilang na ang halalan.
“Ito po ay napakahalaga at we are in full support of this initiative from Sangguniang Laiko ng Pilipinas kasi yun naman po ang role natin, yun ang mandato natin as the laity, as the Church tells us that we are to the forefront of engaging in temporal affairs at ‘yan po ay kasama yung ekonomiya, environment at ang pulitika and have them according to God’s plan,” dagdag pa ni Ponte.
May titulo ang panibagong serye ng online conversation ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na “Bago Naman MAMSIR para sa Bagong Politika!” kung saan tinalakay ang usapin ng patuloy na umiiral na political dynasty na nagpapahirap sa bansa.