381 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga mananampalataya na personal na dumalo sa pagdiriwang ng banal na Eukaristiya sa mga simbahan.
Ayon kay Raymond Daniel Cruz, Jr. – National President ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, mahalaga ang sama-samang pagtanggap ng biyaya at grasya na nagmumula sa personal na pagdalo sa banal na Eukaristiya sa mga simbahan.
Nanawagan naman si Cruz sa pinuno ng iba’t ibang National Lay Organizations at mga Diocesan Council of the Laity upang sama-samang hikayatin ang bawat mananampalataya na muling dumalo ng personal sa pagdiriwang ng misa.
“Napakahalaga po ng pagbabalik natin sa ating mga Sunday masses kaya po bilang presidente ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ay minamarapat ko din po sanang ipahatid sa mga leaders ng iba’t ibang mga National Lay Organizations, mga communities, mga Diocesan Council of the Laity na pagtulong-tulungan po natin na balikan at kuning muli ang grasyang nanggagaling sa ating pagsasama-sama tuwing Linggo, bumalik po tayo sa face to face masses.”panawagan ni Cruz.
Inihayag ni Cruz na isa rin itong pagkakataon upang ganap na maipamalas ng bawat laiko ang diwa ng Synod on Synodality.
“In the spirit of synodality, nagsimula na po tayong magkaroon ng iba’t ibang mga journeying together Synod on Synodality at ito po yung pagkakataon na tawagin na natin sila at maglakbay po tayo sama-sama but this time mindful na marami pong huminto, marami rin ang hindi na nagsisimba baka ito ang pagkakataon na mahikayat natin sila.” Dagdag pa ni Cruz.
Iginiit ni Cruz na malaking bagay ang personal na pagdalo sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sapagkat sinasalamin nito ang pananagutan at pangako ng bawat binyagan sa pagiging isang tapat na lingkod ng Panginoon at kapwa.
Sa liham sircular ng CBCP ay ibinahagi ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang malaking epekto ng ipinatupad na lockdown ng pamahalaan mula noong 2020 bilang pag-iingat laban sa COVID-19 pandemic kung saan kabilang ang mga simbahan sa isinara sa publiko at ipinatupad ang online masses upang makaiwas sa malakihang pagtitipon.
Binigyang diin ng CBCP na alinsunod sa kautusan ng Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments ng Vatican na ang online mass ay orihinal na para lamang sa mga may karamdaman at mga taong walang kakayahang makadalo ng personal sa pagdiriwang sa mga parokya.