2,073 total views
Tiniyak ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang pakikiisa at pananalangin sa lahat ng mga naapektuhan ng 7.3-magnitude na lindol sa lalawigan ng Abra noong ika-27 Hulyo, 2022.
Dasal ni Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Raymond Daniel Cruz, Jr. na nasa maayos at ligtas na kalagayan na ang mga mamamayan sa mga lugar na nakaranas na malakas na pagyanig.
Partikular namang ibinahagi ni Cruz ang kalungkutan sa idinulot na pagkasira ng lindol hindi lamang sa mga gusali, ari-arian at mga tahanan kundi maging sa mga luma at makasaysayang Simbahan sa Vigan at iba pang diyosesis sa Northern Luzon.
“Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas ay lubhang nag-aalala at nananalangin para sa kaligtasan at magandang kalagayan ng mga kabababayan at mga kapwa Laiko at Kaparian sa mga bayan na niyanig ng lindol. Nalulungkot din tayo sa sinapit na pagkasira ng mga gusali at kabahayan at pati na nang mga lumang simbahan sa Vigan at iba pang Diyosesis.” pahayag ni Cruz sa Radio Veritas.
Inihayag ni Cruz ang pakikipag-ugnayan ng S-L-P sa rapid assessment sa mga apektadong lugar upang malaman kung paano makapagpapaabot ng tulong at ayuda.
Nanawagan naman si Cruz sa bawat laiko na bukod sa pananalangin ay tumulong at magpaabot ng anumang kontribusyon sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa pamamagitan ng Caritas Philippines.
“Nakikipag ugnayan na ang Laiko sa NASSA/ Caritas Philippines upang makita ang rapid assessment sa mga lugar na ito at para malaman kung paano tayo makakatulong. Nananawagan tayo sa mga kasamahan natin sa SLP na tumulong at magpahatid nang anumang kontribusyon sa Caritas Philippines upang madalian ding maka-abot ito sa mga lugar na nangangailangan. Magdasal po tayo!” Dagdag pa ni Cruz.
Kaugnay nito, kumikilos na ang Caritas Philippines katuwang ang mga Social Action Center ng mga Diyosesis sa Northern Luzon para sa pagsasagawa ng rapid assessment sa lawak ng pinsala na idinulot ng malakas na lindol sa Ilocos region.
Kabilang sa mga Simbahang naapektuhan ng naganap na 7.3-magnitude na lindol sa lalawigan ng Abra ay ang Metropolitan Cathedral and Parish of the Conversion of St. Paul o mas kilala bilang Vigan Cathedral sa Archdiocese of Nueva Segovia kabilang na ang 23-mga parokya.