22,712 total views
Naninindigan ang implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commission on the Laity laban sa panukalang pagsasabatas ng diborsyo sa Pilipinas.
Ipinahayag ni Francisco Xavier Padilla, pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang paninindigan sa kasagraduhan ng kasal na maisasantabi sa isinusulong na absolute divorce sa bansa.
Pagbabahagi ng Laiko, sa halip na isabatas ang diborsyo sa Pilipinas ay mas dapat na patatagin ang samahan ng bawat pamilya sapagkat ito ang nagsisilbing pundasyon ng isang matatag at masaganang lipunan.
Bukod sa pagkakaroon ng sapat na paraan upang magabayan ang mga mag-asawang humaharap sa pagsubok sa buhay, ay naniniwala din ang Laiko na mahalaga rin ang pagkakaroon ng naaangkop na paghahanda ng mga mag-iisang dibdib para sa pagharap sa buhay mag-asawa.
“Sangguniang Laiko ng Pilipinas says NO TO DIVORCE. We believe in the sanctity of marriage. We believe in preparing the couple before marriage. We believe in supporting the married couple throughout their married life. We believe that there is a need for strong families, as such families are the backbone of Philippine society. We believe that the current remedies for struggling marriages are enough.” Bahagi ng pahayag ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Itinuturing namang isang hamon ng Laiko ang higit na pagpapalaganap ng kaalaman sa bawat binyagang Katoliko kaugnay sa kasagraduhan ng kasal at iba pang paninindigan ng Simbahang Katolika sa mga usaping panlipunan.
Iginiit ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na mahalagang maunawaan ng bawat isa ang negatibong epekto na maidudulot ng diborsyo sa lipunan kabilang na ang pagkasira ng pamilya at epekto ng magkahiwalay na magulang sa mga kabataan.
“We believe that we must strengthen the knowledge of the lay faithful regarding marriage, and other Catholic stands. We read a lot of posts, and see memes online, but really all we need to do is look at the world and see what damage divorce has done. Especially how the children suffer. Multiple marriages. Broken families. Morally lacking society. We do not want that to happen to the Philippines. We stand for solid marriages. We stand for strong families. We stand for a society with good values.” Dagdag pa ng SLP.
Sa kasalukuyan tanging ang Pilipinas na lamang ang natatanging bansa sa buong daigdig bukod sa Vatican na walang umiiral na batas na nagpapahintulot ng diborsyo matapos na gawin na ding legal sa bansang Malta ang diborsyo noong taong 2011.
Matatandaang ika-22 ng Mayo, 2024 ng kuwestiyunableng ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 9349 o Absolute Divorce Bill.