169 total views
Umapela ang Sangguniang Layko ng Pilipinas sa mga kandidato sa pambansa at lokal na posisyon sa nakatakdang Midterm Elections na igalang ang kasagraduhan ng Mahal na Araw.
Hinimok ni Dra. Marita Wasan – Pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas na dapat sundin ng mga kandidato ang nasasaad sa batas na Campaign Ban tuwing sumasapit ang Holy Week partikular sa mga araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Iginiit ni Wasan na mahalagang bigyang halaga at igalang ng mga kandidato ang pananampalataya ng mga Katoliko sa pamamagitan ng hindi pangangampanya sa mga nasabing araw.
Ipinaliwanag ni Wasan na sa halip na mamigay ng mga polyetos at kumamay sa mga tao sa Simbahan ay mas mahalagang gamitin ng mga kandidato ang panahong ito upang magtika at makapagnilay.
“Sa mga tumatakbong kandidato ngayon, alam natin na walang mangangampanya dapat dito sa panahong ito, wala dapat lalo na bukas hanggang Biyernes, ihihinto yan, walang mabibigay ng mga polyetos, mga kakamayang mga tao sa Simbahan walang ganyan, igalang natin ang Kwaresma, igalang natin ang pagiging Katoliko at namnamin natin sa ating mga sarili ang pagtitika sa ating mga kasalanan at ang pagmamahal ng ating Panginoong Hesukristo na kahit tayo ay makasalanan ay patuloy siyang nagmamahal sa atin…” panawagan ni Wasan sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, nakapaloob sa Commission on Elections (COMELEC) Resolution 10249 kung saan nakasaad ang Calendar of Activities para sa nakatakdang May 13, 2019 Midterm Elections ang Campaign Ban sa ika-18 ng Abril na Huwebes Santo at ika-19 ng Abril na siya namang Biyernes Santo.
Samantala hinimok rin ni Wasan ang mga mananampalataya sa buong bansa na gamiting pagkakataon ang Mahal na Araw upang ipanalangin ang kapakanan ng bayan at makapagnilay sa kung sino ang mga kandidatong nararapat na iboboto.
Ayon kay Wasan, napapanahon ang Mahal na Araw upang itaas ng mga Filipino sa Panginoon ang hinaharap ng bansa mula sa mga kamay ng mga susunod na magsisilbing opisyal ng pamahalaan.
“I would want to request the faithful, yung mga laykong katulad ko to pray for our country that all of us can discern who the right people would lead us. Ipagdasal natin ang bawat isa, tulungan natin ang ating mga sarili para makilala natin yung mga taong kailangan natin para maisulong ang ating ekonomiya, maisulong natin ang ating bansa, maisulong natin yung mga hangarin natin at pangarap na isang mapayapang Pilipinas, isang maunlad na Pilipinas, isang mapagkalingang bayan…” Apela ni Wasan.
Bukod dito, mariin din ang panawagan ni Wasan sa mga kabataan na gamiting pagkakataon ang Mahal na Araw upang makapagnilay at mapalalim ang kanilang espiritwalidad sa halip na gamitin ang bakanteng oras para sa kasayahan at pagbabakasyon.
Inihayag ni Wasan na maaring sumama at makibahagi ang mga kabataan sa mga magulang sa pagdalo sa mga prosisyon at pakikinig sa pitong huling wika ni Hesus.
“Para sa kabataan nawa ay maging reflective sila hindi puro kasayahan. Ipapadama natin yung pagiging espiritwal. Ang mga kabataan natin ngayon ay mas madalas na nasa beach, nasa kasayahan nawawala na yung ating mga tradisyon, sana ay manumbalik’.
Kaugnay nito kasabay ng paggunita ng Simbahang Katolika sa Taon ng mga Kabataan ay mariing tinatawagan ng Simbahang ang mga kabataan upang aktibong makibahagi sa mga usaping panlipunan na nasasaad mismo sa tema nitong ‘Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered’.