1,825 total views
Kinilala ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang sakripisyo ng bawat ama na inuuna ang kapakanan ng kanilang pamilya bago ang sarili.
Ito ay sa paggunita ngayon bilang Araw ng mga Ama na ipinagdiriwang sa buong Mundo.
“Nawa’y ang pag-ibig at katapatan ng Diyos Ama ang magbuhos ng biyaya sa puso ng mga bayani ng ating mga pamilya, pamayanan at bayan.” bahagi ng mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Ayon kay Raymond Daniel Cruz – Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Ayon pa kay Cruz, malaking hamon araw-araw ang ginampanang tungkulin ng bawat ama sa lipunan.
Ito ay ang pag-aruga sa kanilang mga anak upang mapalaki silang matatag ang pananampalataya at bilang isang maayos na mamamayan ng lipunan.
Panalangin ni Cruz para sa mga Ama ang paggagawa ng Panginoon ng biyaya ng kalakasan upang higit pa nilang mapagbutihan ang kanilang mga ginagampanang tungkulin bilang haligi ng tahanan.
“Isang maalab ding pagbati sa mga amang napalayo sa kanilang mga kaanak dahil sa paghahanap buhay sa ibang bansa. Dalangin po namin na suklian sana ng Diyos ang inyong kabutihan nang kapanatagan ng isip at puso, malakas na pangangatawan at ilayo kayo sa panganib at alalahanin. Mabuhay po ang mga ama.” ayon pa sa mensahe ni Cruz.