1,555 total views
Nagpahayag ng suporta si Raymond Daniel Cruz, Jr. – National President ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa lahat ng mga pari at obispo na matapang na nagpahayag ng paninindigan noong nakalipas na May 9, 2022 national and local elections.
Ayon kay Cruz, klaro ang naging panindigan ng mga lingkod ng Simbahan sa pagsusulong ng makabubuti para sa bansa.
Ipinaliwanag ni Cruz na hindi basta ginamit ng mga lingkod ng Simbahan ang impluwensya sa pagsuporta sa sinumang kandidato sa halip ay matapang na isinakatuparan ang kanilang pastoral na tungkulin upang gabayan ang mga botante.
“Ako po si Jun Cruz simpleng laiko lang, pero naninindigan po ako para sa ating mga kaparian at sa mga obispo na nanindigan, who joined in this partisan politics during the 2022 May Presidential Elections.Simple lang po ang tanong was it really an illusion of influence? Definetely not, it was an exercise of their pastoral responsibility, an exercise of their pastoral leadership, klarong klaro yun,” paliwanag ni Cruz sa Radio Veritas.
Iginiit ni Cruz na walang mali sa pagpapahayag ng anumang paninindigan noong nakalipas ng halalan.
“Sa mga kabunyian, sa mga kaparian na nanindigan noong mga panahon na yun, kahit yung tumahimik po dahil meron din silang sariling paninindigan, walang mali doon. Ang mali doon ay yung ngayong magsisisihan tayo sabihin ‘i told you so’ yun po yung mali na ngayon, yun po yung dis-unity,” dagdag pa ni Cruz.
Ginawa ni Cruz ang paninindigan kaugnay sa isang liham na umiikot sa mga pari at Obispo na may titulong “ILLUSIONS OF INFLUENCE: CLERICAL PARTISAN ENGAGEMENT DURING THE 2022 ELECTIONS” sa panulat ni Rev. Fr. Eric Marcelo O. Genilo, SJ. na ibinahagi ng pari sa nakalipas na DaKaTeo Online Theological Interdisciplinary Conference: “Filipino Religious Faith and Nationalism/Patriotism: Engagement and Disentanglement” noong November 11, 2022.
Inihayag ni Cruz na masakit at mabigat sa damdaming mabasa ang liham pagpuna sa matapang na panindigan ng ilang mga pari at Obispo noong nakalipas na halalan.
Dahil dito nanawagan si Cruz sa bawat laiko na manindigan din para sa mga lingkod ng Simbahan at kasabay ng Feast of the Immaculate Conception of Mary.
“Pwede po ba bukas December 8, magsimba po tayo tapos ipanalangin po natin sa ating Mahal na Birhen ang ating mga kaparian, ang ating mga obispo dahil po meron po silang natanggap na sulat galing sa isang kapwa Pari na para bang sinasabi ngayon na ‘ano napahiya kayo,” paanyaya ni Cruz.