231 total views
Umaasa ang isang grupo ng Simbahang Katolika na mapanibago si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng nagkakaisang panalangin ng bawat mananampalataya.
Naniniwala si Dr. Marita Wasan, Pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas sa Banal na Espiritu na sa taimtim na pananalangin ay malabanan ang mga negatibong pahayag ni Pangulong Duterte.
“Bilang isang lingkod ng Simbahan ipagdarasal natin ang ating Pangulo na nawa’y maliwanagan siya,” pahayag ni Wasan sa Radio Veritas.
Naniniwala rin si Wasan na dahil sa paggamit ng fentanyl ng pangulo para sa kaniyang karamdaman kaya’t ang mga pahayag nito ay mga negatibo at kawalan ng delikadesa.
Magugunitang sa inilabas na pahayag ng Sangguniang Layko ng Pilipinas hinimok nito ang mananampalataya na manindigan para sa Panginoon at pananampalataya sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga gawaing banal ng Simbahan lalu’t higit ang pagdalo sa mga Banal na Eukaristiya.
Bukod dito ay hinikayat ng grupo ang bawat Katoliko na hindi lamang sa Salita ang pagsasabuhay ng mga turo ng Panginoon kundi mas ipakikita ito sa gawa bilang mga tagasunod ni Kristo.
Naniniwala si Wasan na mawawakasan din ang tila krisis na kinakaharap ng sambayanan kung sama-sama ang mga 99 na porsiyentong mga layko na bumubuo sa Simbahang Katolika na siya ring kasapi sa pamahalaan ng Pilipinas.
“Sana matapos itong pangyayaring ito na sa tingin ko malaking krisis para sa atin bilang Katoliko ay matatapos din sa pamamagitan ng tulong ng ating Panginoon at Banal na Espiritu,” ani ni Wasan.
Hinimok din ni Wasan ang 54 na lay organization at 53 diocesan council of the laity na maglabas din ng mga katulad na pahayag upang maipakikita ang pagkakaisa at maipararating kay Pangulong Duterte ang damdamin ng mamamayan.
Sa pahayag ng Pangulo kasabay ng awarding ceremony ng 2017 Presidential Award for Child-Friendly Municipalities and Cities na ginanap sa Malacañang, tila hinimok nito ang mamamayan na patayin ang mga Obispo dahil sa pamumuna sa kaniyang pamamalakad sa bansa habang sa isang talumpati ng hinimok nito ang mga tao na huwag dumalo sa mga Misa sa Simbahan kundi manatili na lamang sa mga tahanan upang magdasal.
Subalit sa pagninilay ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ipinaliwanag nito na bagamat makahulugan ang sama-samang pagdarasal ng mag-anak sa mga tahanan ay mas higit na mahalaga ang pagtitipon ng mga mananampalatayang Katoliko sa bahay dalanginan.