124,940 total views
Sa kabila ng patuloy na urbanisasyon at pag-usbong ng teknolohiya sa ating bansa, ang makabagong konsepto ng “smart city” ay tila mahirap pang ipalaganap sa ating bayan. Ang smart city, kapanalig, ay isang lungsod na gumagamit ng teknolohiya at data upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan. Tinataglay nito ang mga sistema at proyektong nagbibigay daan sa mas epektibong transportasyon, maayos na serbisyong pampubliko, at mas ligtas na pamayanan.
Isa sa mga pangunahing aspeto ng smart city na maaaring pagtuunan ay ang transportasyon. Sa pamamagitan ng modernisasyon ng transportasyon, maaaring mapabuti ang daloy ng trapiko, mas maginhawa ang biyahe, at mababawasan ang oras natin sa kalye. Mga sistema tulad ng intelligent traffic management at real-time na monitoring ay maaaring maging sandigan para sa mas mabilis at mas matalinong transportasyon.
Ang matalinong pamamahala ng enerhiya ay isa ring mahalagang bahagi ng konsepto ng smart city. Ang paggamit ng mga teknolohiyang nagtitipid ng enerhiya, ng renewable energy, pati ng smart grids ay maaaring magbawas ng masamang epekto ng climate change. Magbibigay daan ito sa mas sustainable na paggamit ng enerhiya.
Sa larangan ng serbisyong pampubliko, maaaring magtaglay ang smart city ng mga apps at systems na naglalayong mapadali ang transaksyon at komunikasyon sa pagitan ng mamamayan at ng gobyerno. Ang mga serbisyo tulad ng e-governance, e-health, at e-education ay maaaring makatulong sa mas mabilis at mas epektibong paghatid ng serbisyong publiko.
Ang smart city kapanalig, ay nagbibigay din ng mga job opportunities. Maaaring magsimula ito ng mas mataas na digital literacy sa bayan, na magbibigay daan sa mas malawakang kaalaman at kasanayan para sa mga mamamayan.
Pero bago maging smart city ang ating mga lungsod, napakarami pa nating bubunuin. Ngayon pa nga lamang, nakakasulasok na ang traffic sa ating paligid. Ang mga pamayanan natin, halos walang mga drainage. Baha na sa lungsod, konting ulan lamang. Kailangan na ng kolektibong pagkilos upang tunay na maging smart ang ating mga lungsod. Pangarap na lamang ba ito, kapanalig?
Ang pagtataguyod ng smart cities sa Pilipinas ay hindi lamang para sa kaunlaran, ito ay para sa ating mas magandang kinabukasan. Noong nakaraang Nobyembre lamang, nabanggit ni Pope Francis sa isang meeting sa Vatican kasama ang mga town mayors ng Italya na ang mga syudad ay nagiging “unlivable” na dahil sa polusyon, gulo, isolation, marginalization, at kalungkutan. Nawa’y bagao natin ito, at hindi lamang maging smart ang ating mga syudad, kundi maging sentro ng authentic human development.
Paalala ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si: Ang tunay na pag-unlad ay ukol sa pagpapabuti sa kalidad ng buhay ng tao. Kasama nito ang pagsasaalang-alang sa kapaligiran kung saan siya nabubuhay. Ang tinitirhan natin ay nakakaimpluwensya sa ating pag-iisip, pakiramdam, at pagkilos… Kapag magulo o puspos ng ingay at kapangitan ang ating kapaligiran, mahirap abutin ang tunay na saya at kaunlaran.
Sumainyo ang Katotohanan.