358 total views
Kinondena ng Diyosesis ng Dumaguete ang binabalak na 174-hectare na Dumaguete Reclamation Extension Project o Smart City na napagkasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng lungsod at kumpanyang E.M. Cuerpo, Inc.
Ayon sa liham ng Diyosesis para kay Architect Celerino Cuerpo, ang may-ari ng kumpanyang katuwang ng lokal na pamahalaan sa proyekto, bagamat ito’y makatutulong para sa pag-unlad ng lungsod, naniniwala ang lokal na simbahan na ang proyekto ay magdudulot ng matinding pinsala lalo’t higit sa kalikasan, maging sa buhay ng mga naninirahan sa mga lokal na komunidad.
“While we acknowledge the intention of the Local Government of Dumaguete City to promote economic, social and political development, we strongly believe that massive projects like the [Dumaguete Reclamation Extension Project – Smart City] must also consider the scientific and environmental implications, not to mention its impacts on the cultural and moral life of the people on the local community,” bahagi ng pahayag ng Diyosesis.
Nakasaad din sa liham na nagkaroon ng pagpupulong noong Marso 24, 2021 sa pangunguna ng Diyosesis at dinaluhan ng iba’t ibang kinatawan ng ahensya ng pamahalaan at mga organisasyon, kung saan tinalakay ang iba’t ibang saloobin hinggil sa nasabing proyekto.
Dito’y binigyang diin ng mga eksperto sa kalikasan na maaaring magdulot ng matinding panganib at pinsala ang reclamation project sa yamang-tubig, lalo na sa kabuhayan at kaligtasan ng mga lokal na residente ng Dumaguete City.
“… Our invited scientists pointed out the overwhelming environmental threats and damages which the reclamation may cause particularly to the diverse marine life as well as to the local communities in Dumaguete City,” ayon sa pahayag.
Ninanais naman ng Diyosesis na magsagawa ng ‘open public forum’ upang muling talakayin ang binabalak na proyekto, nang sa gayon ay maipahayag ng mamamayan at iba pang institusyon ang kanilang mga saloobin upang maitaguyod ang malinaw at maayos na dayalogo para sa lahat.
Kabilang sa mga lumagda sa liham sina Dumaguete Bishop Julito Cortes; Vicar General Msgr. Glenn Corsiga; Diocesan Chancellor Fr. Gonzalo Omison II; at Episcopal Vicar for Dumaguete City Parishes Msgr. Robert Bongoyan, HP.