414 total views
Inilunsad ng Philippine Jesuit Prison Service Foundation, Inc. (PJPS) ang Simple Offering of Affection for Persons Deprived of Liberty (PDLs) o S.O.A.P. campaign bilang bahagi ng paggunita ng 33rd Prison Awareness Week ngayong taon.
Ayon kay PJPS Executive Director Fr. Eli Rowdy Y. Lumbo, SJ, ang layunin ng S.O.A.P campaign na makapagkaloob ng mga hygiene kits partikular ng mga sabong pampaligo at panlaba para sa mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) at Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City bilang proteksyon sa COVID-19 pandemic.
Ipinaliwanag ng Pari na higit na mahalaga ngayong panahon ng pandemya na matiyak ang kalinisan ng mga bilanggo na higit na lantad sa iba’t ibang sakit dahil sa pagsisiksikan sa mga bilangguan.
“Sa amin sa PJPS – Philippine Jesuit Prison Service may panawagan po kami na sana makatulong tayo sa aming proyekto na makalikom ng pera o ng sabon. Ang pera ay ibibili ng mga sabon ng ating mga kapatid sa loob ng bilangguan sa New Bilibid Prison (NBP) at sa Correctional Institute for Women (CIW), sa NBP po ito po ang mga lalaki halos 27,000 – 28,000 po yung mga bilanggo dito at sa CIW mga almost 3,000. Nais sana natin makabigay sa kanila ng mga sabon – sabon pampaligo at sabon panlaba laban sa COVID-19”. pahayag ni Fr. Lumbo sa panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito nananawagan si Fr. Lumbo ng suporta para sa S.O.A.P campaign upang makapagpaabot ng tulong sa lahat ng halos 33,000 mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) at Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Nasaaad sa website na www.pjps.org.ph ang paraan upang makapagpaabot ng tulong in cash o in kind kung saan sa halagang 150-piso ay maaring ng magkaroon ng pang-isang buwang hygiene kit ang isang Persons Deprived of Liberty.
Tema ng 33rd Prison Awareness Week ngayong taon ang “Restoring Hope and Healing during this Time of Pandemic through God’s Transforming Unconditional Love” na gugunitain mula ika-19 hanggang ika-25 ng Oktubre.