11,410 total views
Muling inilunsad ng Philippine Jesuit Prison Service ang Simple Offering of Affection for Persons Deprived of Liberty o S.O.A.P Project bilang bahagi ng paggunita sa 37th Prison Awareness Week ngayong taon.
Layunin ng proyekto na makapangalap ng sapat na pondo upang makapagkaloob ng mga hygiene kits partikular ng mga sabong pampaligo, panlaba at ointment para sa may 34,000 Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa at Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Nasaaad sa official Facebook page at website ng Philippine Jesuit Prison Service (PJPS) na pinamumunuan ni executive director ni Rev. Fr. Firmo “Jun-G” Bargayo, SJ ang mga paraan upang makapagpaabot ng tulong kung saan sa halagang 100-piso ay maaring makatulong sa pagkakaroon ng hygiene kit ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Paliwanag ng PJPS, mahalaga na matiyak ang kalinisan at pangangalaga sa kalusugan ng mga PDLs na higit na lantad sa iba’t ibang sakit dahil sa pagsisiksikan sa mga bilangguan.
Ang Philippine Jesuit Prison Service (PJPS) ay ang socio-pastoral apostolate ng Society of Jesus (Philippine Province) na nagkakaloob ng iba’t ibang mga serbisyo at programa tulad ng holistic rehabilitation sa mga bilanggo o Persons Deprived of Liberty.
Nakatakdang gunitain ngayong taon ang 37th Prison Awareness Weeek mula ika-21 hanggang ika-27 ng Oktubre, 2024 na may temang “The Church thru the VIPS: Partners of the PDLS in their Journey Towards Wholeness with full of Hope” o “Ang Simbahan Katuwang ang VIPS: Kaagapay sa Pagbabagong Punong-puno ng Pag-asa” na layuning bigyang halaga ang mga katuwang ng Simbahan sa pagiging daluyan ng habag, awa, pagmamahal at pag-asa ng Panginoon para sa mga Persons Deprived of Liberty na naligaw ng landas.