214 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Kardinal Tagle ang mga mananampalataya na tularan ang kadalisayan ng puso ni Santa Maria Goretti.
Ibinahagi ni Kardinal Tagle na hindi kailangang sundan ang halimbawa ng pagiging birhen ni Santa Maria Goretti upang magkaroon ng malinis at dalisay na puso, dahil sa iba’t-ibang estado ng buhay ng mga tao ay maaari itong matularan.
Ayon kay Kardinal, maging isa mang guro, pulis, negosyante, mag-aaral, o relihiyoso ay maaaring mamuhay sa kalinisan, kung i-aalay natin ang ating buhay sa kalooban ng Panginoon.
“Her purity was not just the body, it was the purity of the heart that has vowed to the Lord. “I will be yours,” in this state of life then she became heroic.” pahayag ni Kardinal Tagle.
Dagdag pa ng Kardinal, ang pagkakaroon ng bukas na puso ang isa sa mga susi, upang matanggap ng bawat tao ang pagpapala ng Diyos, at makapamuhay sa kalinisan.
Inihalimbawa ng propetang si Amos, naging bukas ang kanyang puso sa pagtanggap sa misyong iniaatas ng Panginoon, sa kabila ng kanyang kahinaan bilang isang tao.
Dahil dito, naniniwala si Kardinal Tagle na ang malinis na kalooban ng tao ay nakadarama ng pagkilos ng Panginoon at nakahanda itong tumalima anumang oras, kahit na hindi nito lubos na nauunawaan ang plano ng Diyos.
Samantala, nagbabala naman ang Kardinal na marapat nating bantayan ang ating puso at ang karunungang taglay ng ating isip.
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang sobrang kaalaman ay maaaring magdulot ng pagsasara ng puso ng tao na nagiging dahilan upang mawala ang kadalisayan nito.
“Minsan po yung sobrang dalubhasa nawawala yata yung purity of heart sa sobrang galing hindi na siya yung simple nalang na naniniwala, lahat na i-aanalyze… Sa dami ng alam, yung puso sumasara nang sumasara,” pagbabahagi ni Kardinal.
Naniniwala si Cardinal Tagle na si Santa Maria Goretti ay marapat lamang maging Santong huwaran ng lahat ng tao dahil sa kadalisayan ng kanyang puso.
Iginiit ng Kardinal na anuman ang ating propesyon o katayuan sa buhay ay marapat lamang maging bukas sa pagsunod sa Panginoon at maging handa sa pag-aalay ng buhay sa Diyos.