456 total views
Pinangunahan ni Archdiocese of Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang paggunita ng ika-48 anibersaryo ng Caceres Social Action ng arkidiyosesis.
Naganap ang payak na pagdiriwang sa Caritas-Caceres Development Center, Cadlan, Pili, Camarines Sur na dinaluhan ng ilang mga kawani ng Caceres Social Action sa pangunguna ni Rev. Fr. Marc Real na siyang Social Action Director ng arkidiyosesis.
Sa homiliya ni Archbishop Tirona, inihayag ng arsobispo na ang Social Action ay hindi lamang basta pagbibigay ng pangangailangan ng mga nangangailangan sa halip ay pagkakaloob rin ng kamalayan sa mga ito kaugnay sa dignidad ng buhay at ng pagiging isang Kristiyano.
Ayon sa arsobispo, kaakibat ng mga gawain ng Social Action ay ang pagiging saksi sa kung paano tumulong si Hesus sa mga mahihirap, nagpagaling ng mga may sakit, nagpaalis ng mga demonyo at nagsilbing lakas at pag-asa ng mga pinaghihinaan ng loob.
“Social action is not providing things to persons, it is building up and making the person aware of the human dignity, of the Christian dignity. So there is a beautiful link between martyrdom, witnessing and social action. And every time we do social action we witness Jesus who reach out to the poor, who heal the sick, which expel demons, who was the strength of the weak and above all he provided hope to the desperate and to the hopeless.” Ang bahagi ng pagninilay ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona.
Nagpaabot rin ng pagbati si Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Director ng NASSA/Caritas Philippines sa pagdiriwang ng ika-48 anibersaryo ng Caceres Social Action.
Ayon sa Obispo, hindi matatawaran ang pagiging aktibo at maagap ng Diocesan Social Action Center ng akrisiyosesis kagyat na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan sa tuwing may sakuna o kalamidad partikular na sa Bicol region.
Kinilala rin ni Bishop Bagaforo ang agad na pagtugon ng Diocesan Social Action Center ng Archdiocese of Caceres sa pagbubuo ng mga kindness station bilang tulong sa mga nangangailangan partikular na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong nakalipas na taon.
“Kami ay nagpapasalamat sapagkat ang Social Action Program ng Archdiocese of Caceres ay isa sa mga nangungunang Diocesan Social Action Center sa ating Simbahan dito sa Pilipinas at isa sa unang unang palaging tumutugon sa mga maraming disasters at calamities na nangyayari sa Bicol Region, natutuwa rin tayong malaman na ang Diocesan Social Action Program ng Archdiocese of Caceres ay isa rin sa mga unang unang tumugon para magkaroon tayo ng kindness station.” bahagi ng mensahe ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Samantala, maging ang Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle – Pangulo ng Caritas Internationalis ay nagpaabot rin ng pagbati sa pagdiriwang ng arkidiyosesis ng ika-48 anibersaryo ng Social Action Center nito.
Ayon sa Cardinal, ang misyon ng Caritas Caceres ay maituturing na isang biyaya at pambihirang pagkakataon na maging kabahagi sa pagiging daluyan ng presensya at pag-ibig ng Panginoon lalo na sa mga mahihirap at mga nangangailangan.
“God is Love and for us Caritas Caceres this is a grace, this is a privilege to be counted as one of the participants in God’s identity to be sent as messengers of God’s love especially to the poor.” Ang bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Dahil dito umaasa ang Cardinal na sa pamamagitan ng iba’t ibang serbisyo at programa ng Caritas Caceres ay tunay na maramdaman ng bawat isa ang presensya at pag-ibig ng Panginoon lalo na sa mga naisasantabi sa lipunan.
“Sana po lahat ng pinaglilingkuran natin maramdaman ang presensya ng Diyos sa mga nakakalimutan ng lipunan.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Itinatatag ang Social Action Ministry ng Archdiocese of Caceres noong Hunyo 1973 sa ilalim ng pangangasiwa ng dating arsobispo ng arkidiyosesis na si Archbishop Teopisto Alberto.