187 total views
Naghahanda na ang iba’t-ibang Social Action Center ng mga Diocese sa Hilagang Luzon mula sa magiging epekto ng bagyong Jolina.
Sinabi sa isinagawang press conference ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA na posibleng mag-landfall ang tropical storm Jolina sa bahagi ng Isabela at Aurora province ngayong gabi.
Batay sa pinakahuling forecast track ng ahensya, ang Tropical Storm Jolina ay lalo pang lumakas habang patuloy na lumalapit sa kalupaan ng Northern Aurora.
Kasalukuyang tinatahak ng bagyo ang direksyon pa West-Northwest sa bilis na 19 kilometers per hour.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 80 kilometers per hour at pagbugso na aabot sa 95 kilometers per hour.
Huli namang namataan ang bagyo sa layong 210 kilometro Timog Silangan ng Casiguran Aurora. Inaasahan na babaybayin ng bagyo ang Hilagang Luzon hanggang bukas.
Nakataas ngayon ang Storm Signal Number 2 sa mga lalawigan ng Isabela, Northern Aurora, Quirino, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Sur, Benguet, Abra, La Union at Nueva Viscaya. Samantala, Storm Signal Number 1 naman sa Cagayan kasama ang Babuyan Group of Island, Apayao, natitirang bahagi ng Aurora, Ilocos Norte, Nueva Ecija, Pangasinan, Northern Quezon, kasama na ang Polilo island, Catanduanes, Camarines Norte at Camarines Sur.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan na rin ang Damay Kapanalig Program ng himpilan ng Radyo Veritas sa lahat ng mga maaapektuhang Diyosesis.