20,930 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang social action ministers na ituon ang pansin sa pagbabago ng lipunan kaakibat ang mga gawaing pagtulong at pag-unlad ng pamayanan.
Ayon kay CBCP president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, kabilang dito ang mga programa at inisyatibo para sa pulitika, ekonomiya, at kultura.
Ginawa ni Bishop David ang panawagan sa video message para sa mga kalahok ng 41st National Social Action General Assembly (NASAGA) sa St. Vincent Ferrer Seminary sa Jaro, Iloilo.
“We should reorient our social action priorities towards social change, towards the transformation of societal structures… in the light of the Gospel and social doctrine of the Church,” ayon kay Bishop David.
Binigyang-diin ng pangulo ng CBCP na ang adbokasiya ng simbahan hinggil sa human development o pag-unlad ng tao ay pinupukaw ng pag-ibig ni Kristo at hindi ng anumang ideolohiya o paniniwalang politikal.
Sinabi ni Bishop David na ang pananampalataya ay nagtutulak sa atin sa paglilingkod na makita ang kapwa bilang kapatid, lalo na ang mga nasa laylayan.
Dagdag pa ng obispo na dahil sa pananampalataya at pagmamahal, ang lahat ay nahihikayat na makilahok sa mga kongkretong pagkilos para sa katarungan.
Hinimok din ng pinuno ng kalipunan ng mga obispo ng Pilipinas ang higit na pag-unawa sa mga katuruang panlipunan ng simbahan sa gawain at layunin ng social action.
“Please soak yourselves in the social teachings of the Church, which alone can orient you to the foundation of social action—our stubborn insistence on the dignity, the innate dignity of all human beings as creatures in the image and likeness of God,” saad ni Bishop David.
Halos 300 delegado mula sa 67 diyosesis ang dumalo sa pagtitipong may temang “Social Action Network: Journeying to Empower Communities in Faith, Love, and Justice”.
Kabilang sa mga tinalakay na paksa ay ang mga pambansang usaping nakakaapekto sa mamamayan tulad ng sitwasyon sa West Philippine Sea, ang tungkulin ng Simbahan sa pulitika, at ang kasalukuyang kalagayan ng enerhiya.