222 total views
Binigyang diin ni Caritas Manila executive director at pangulo ng Radyo Veritas Rev. Fr. Anton CT Pascual ang kahalagahan ng social capital.
Ayon sa talumpati ni Fr. Pascual sa isinagawang 2nd General Assembly ng Caritas Society of Servant Leaders (CSSL) sa Pandacan Manila, mahalaga ang pagbibigkis ng bawat mamayan laban sa mundo na umiiral ang indibidualismo o pagkakanya – kanya.
“Mahalaga dito ang tinatawag na social capital yung kahalagahan ng pagtitipon at pagbibigkis. Kasi sa mundo ngayon malakas ang individualism yung kanya – kanya. Kanya – kanyang biyahe, kanya – kanyang kilos pero mahalaga dun i – build natin yung social capital,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radyo Veritas.
Binanggit pa ng pari na layunin ng C-S-S-L na tumugon rin sa panawagan na tumulong rin sa mga kapwa nila iskolar sa proyekto ng Caritas Manila na “pay – forward” upang matulungan ang pangangailangan ng nasa 5 libong scholars ng Youth Servant leadership ang Education Program o YSLEP.
“Tulad nito meron tayong dakilang hangarin, kahalagahan ng edukasyon, at nais nating ibahagi itong tagumpay na nararanasan natin. Tulad ng edukasyon na makatulong pa tayo sa ibang mga kabataan sa pamamagitan ng pay – forward program ng Caritas Manila,” giit pa ni Fr. Pascual sa Veritas Patrol.
Patuloy namang lumalago ang bilang ng mga miyembro ng C-S-S-L na umaabot na sa 10 libo na napagtapos at natulungan ng Caritas Manila sa programa nitong YSLEP.