419 total views
Kinilala ng simbahang katolika ang mga masigasig sa social media lalo na ang mga kabataan na mga bagong ‘storytellers’ sa paghahayag ng mabuting balita ng Panginoon.
Ayon kay Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., ang chairman ng Social Communications Ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines malaking ambag sa paglago ng pananampalataya ang pagiging masigasig sa pagbabahagi nito sa social media sapagkat malawak ang naaabot nito.
“I would dare call you all as the “New Storytellers” of the Church; Given the almost limitless reach of Social Media in today’s world, your enthusiasm and desire to tell the story of your faith, of our faith, guarantees the lighting of the lamp on the lampstand of today,” bahagi ng pahayag ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa nalalapit na taunang Catholic Social Media Summit (CSMS) na gaganapin ngayong Nobyembre.
Tema ng CSMS ngayong taon ang ‘Transform’ na hango mula sa mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ika-54 na World Communications Day na nanawagan sa isang uri ng pagbabahagi ng kwento na makapagpanibago ng buhay.
Labis naman ang pasalamat ng obispo sa mga naunang tumugon sa panawagan ng simbahan na maging kaisa sa pagpalaganap ng mga turo ni Hesus gamit ang makabagong uri ng teknolohiya.
“I would like to first express my most sincere gratitude to all the faithful who blesses me and the whole Church with their response to the invitation to be this generation’s new evangelizers,” dagdag ni Bishop Maralit.
Gaganapin ang virtual summit ng CSMS tuwing Sabado at Linggo sa buong buwan ng Nobyembre kung saan nakatuon ang mga talakayan sa online evangelization lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Kaugnay dito sinabi ni Bishop Maralit na malaki ang naitulong ng mga naglilingkod sa social communications ministry upang manatiling buhay ang diwa ng pananampalataya sa bawat tahanan sa gitna ng krisis na kinakaharap ng lipunan.
“In the midst of the diverse forms which darkness has taken on in our times; your voice, your ministry are the instruments that bring into fore the light of our Lord! Thank you for being our Lord’s new evangelizers and storytellers,” saad pa ng opisyal ng SoCom ministry.
Kabilang sa mga magbabahagi sa ika-9 na taon ng CSMS sina Archbishop Socrates Villegas, Bishop Mylo Hubert Vergara, Bishop Marcelino Antonio Maralit, Bishop Midyphil Billones, Fr. Jerry Orbos, at Fr. Luciano Felloni.
Bukod pa rito ay ang ilang mamamahayag na sina Christian Esguerra ng ABS-CBN News, Felipe Salvosa ng Press One, EWTN host Dale Ahlquist, at ang mag-asawang sina Eric at Giny Dooley ng Catholify.
“Always believe that no matter the advances of technology and the vastness of its reach, it is only the Spirit of God that can truly touch and transform hearts. Thus, never fail to Pray first and always before you click and go online! Let the Spirit be the true force that drives your ministry!” giit ni Bishop Maralit.
Taong 2012 nang unang isinagawa ang Catholic Social Media Summit sa inisyatibo ng YouthPinoy o grupo ng mga online missionaries katuwang ang Areopagus Communications at ang Media Office ng CBCP.
Sa mga nais dumalo sa virtual summit ay maaring mag-log on sa www.catholicsocialmediasummit.com upang makapagparehistro.