228 total views
Tuloy-tuloy pa rin ang mga misa sa buong Arkidiyosesis ng Cebu.
Ito ang inihayag ni Cebu Archbishop Jose Palma kasbay na rin ng pagtiyak ng ibayong pag-iingat base na rin sa mga inilabas na mungkahi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kabilang na dito ang social distancing.
“No cancellations of mass gatherings para nato padayon lang ang misa [tuloy lang ang ating mga misa],” saad ni Archbishop Palma.
Sa pinakahuling pastoral letter ng CBCP, ipinapaubaya sa mga obispo ng 86 na arkidiyosesis at diyosesis ang pagpapasya kaugnay sa pagpapaliban ng misa sa kanilang nasasakupan.
Nanawagan naman ang arsobispo sa mga mananampalataya na may karamdaman tulad ng ubo, sipon at lagnat na karaniwang sintomas ng COVID 19 na manatili na lamang sa mga tahanan upang maging ligtas ang sarili at maiwasan din na makahawa sa iba.
Aniya, ito ang mabisang paraan upang maipadama sa kapwa ang pagmamalasakit at pagkakawanggawa sa lipunan kung saan isinaalang -alang ang kapakanan at kalusugan ng kapwa.
“Some of us may not be too healthy, you are advised to stay at home and to avoid further contamination and infecting our brothers and sisters para nato [para sa atin] it is a wonderful sign of charity that we do not become carriers of the virus,” ayon kay Archbishop Palma.
Hinikayat din ni Archbishop Palma ang mananampalataya na sundin ang payo na ibinibigay ng mga eksperto ngunit iginiit ang higit na pananalangin sa Diyos na tuluyang malupig ang nakamamatay na corona virus disease 2019.
Sa video message ng arsobispo binigyang diin nitong mas makapangyarihan ang pagdarasal upang maligtas ang bawat isa mula sa COVID 19 at hiling din ang kagalingan sa mga infected ng virus.
“We observe precautionary measures but we pray more sincerely, more intensely that this pandemic may end and our sick brothers and sisters maybe restored to health,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Palma.
Mensahe pa ni Archbishop Palma sa mananampalataya na huwag mag-panic sa halip ay makiisa sa paglaban na maiwasan ang paglaganap ng virus sa pamayanan sa pamamagitan ng pagtalima sa panawagan ng mga otoridad partikular ng Department of Health.
Naniniwala ang arsobispo na sa tulong, habag at awa ng Panginoon ay malutas na ang suliranin ng buong mundo hinggil sa COVID 19 na unang sinabi ng World Health Organization na pandemic kung saan umabot na sa higit 130, 000 ang infected sa buong mundo kabilang na ang 64 sa Pilipinas habang higit sa 4,000 na ang nasawi.