210 total views
Ang ating bansa ay lagi na lamang nangunguna sa pag-gamit ng social media. Ayon nga sa We Are Social, pang-anim na taon na tayong lider sa mundo pagdating sa tagal ng pag-gamit sa social media. Mantakin mo, kapanalig, mga apat na oras at 15 minuto kada araw ang binababad natin sa social media. Mas mataas pa ito sa ating nakaraan na average na 3 oras at 53 minuto.
Kapanalig, half-day na sa trabaho ang haba ng social media usage natin. Makabuluhan ba ang mga oras na ginugugol natin dito?
Ang mga social media sites gaya ng Facebook, Youtube, Twitter, Instagram, pati na rin TikTok ay may mahalagang papel sa buhay ng mga kabataan ngayon dahil ang mga ito ay mga plataporma para sa koneksyon, ekspresyon, at libangan. Lalo ngayong panahon ng pandemya, naging “lifeline” na para sa iba ang social media sites. Dahil sa dami ng gumagamit ng social media sa atin, naging kabuhayan na nga ito ng maraming celebrities. Naging campaign platforms na rin ito ng mga politiko.
Ang social media kapanalig, ay magandang biyaya sana, ngunit ngayon, ito ay nagiging source na ng kalituhan at gulo. Napakaraming impormasyon ang ating masasagap dito, at tila hirap ang marami sa atin makita kung ano ang totoo o fake news. Nakakalungkot na nasasayang ang isang teknolohiyang makubuluhan dahil nagagamit ito ng iba ibang pwersa para sa kani-kanilang agenda.
Malaking hamon ito sa ating mga Filipino. Ang tagal natin sa social media, kapanalig, ay hindi nata-translate sa mataas na antas ng pag-iisip o komprehensyon, o sa galing sa mga pundasyon ng teknolohiya gaya ng agham o mathematics. Makikita natin ito sa lebel ng konbersayon na namamayagpag ngayon sa mga social media sites. Maaninag din natin yan sa baba ng performance ng ating mga kabataan. Sa global survey ng Organisation for Economic Co-operation and Developmen (OECD) sa hanay ng mga 15 year-olds, ang Pilipinas ang may pinaka-mababang score sa reading comprehension at pangalawang pinaka-mababang score sa math and science.
Kailangan nating bigyan pansin ito kapanalig. May mga datos na nagsasabi na 65% ng mga social media users sa bansa ay mga teenagers. Kailangan na natin makita ang ugnayan ng social media use sa araw-araw nating aktwal at hindi birtwal na buhay. Nakakatulong ba ito para sa kaunlaran ng lipunan o nakakagulo lamang sa pokus ng mga kabataan? Ang mga konbersasyon ba sa online space ay nakakaganda ng ating buhay, ng ekonomiya, ng demokrasya, at ng ating lipunang pang-kabuuan?
Kapanalig, ayon sa Caritates in Veritate, kahit pa gumamit tayo ng teknolohiya, ng mga satelites, o mga remote electronic impulses, ang ating aksyon ay laging nakatali sa ating pagkatao at dapat maging ekspresyon ng ating responsableng kalayaan. Ang tanong, responsible ba nating ginagamit ang teknolohiya ngayon, gaya ng social media?
Sumainyo ang Katotohanan.