511 total views
Ang social media na ngayon ang nagko-kontrol ng maraming aspeto ng ating buhay. Sa totoo lang kapanalig, aminin mo na, mas matagal ka pang gumamit ng social media no, kaysa magdasal o magsimba? Mas madalas mo pang makatabi ang smart phone mo, diba, kaysa ang bibliya?
Sa ating mga Filipino, ang social media na nga ang pangunahing hinahanap ng marami sa atin pag-gising pa lamang sa umaga. Ayon nga sa mga datos, umabot na ng 89 million ang social media users ng ating bansa as of January 2021. Nadagdagan pa ng 16 million ang bilang na ito noong 2020 and 2021. Tinatayang mahigit pa sa 80% ng ating populasyon ang nasa social media na. Ibig sabihin, pati bata, naka social media na sa atin.
Kapanalig naisip mo ba na malaki na ang epekto ng kakagamit mo ng social media sa iyong katawan? Na habang busy ka sa kaka doom-scroll sa facebook o instagram, nasisira na pala ang iyong physical health?
Ayon sa isang pag-aaral, ang sobrang pag-gamit ng social media ay nagdudulot ng chronic inflammation sa ating katawan, na nagbabadya na mga seryosong sakit gaya ng diabetes, cancer, pati ng sakit sa puso. Maliban dito, nakita rin sa mga pag-aaral na sa kagagamit ng social media, maraming tao na ang nakakaranas ng pananakit ng ulo, dibdib, pati likod.
Kaya sana, kapanalig, tumayo-tayo naman muna tayo. Huwag nating hayaang mamamayani ang mga social media apps sa ating buhay. Tingnan natin ang ating paligid. Tingnan natin ang ating mga katabi. Ating namnamin ang ganda ng kalikasan na binigay ng Panginoon. Huwag nating ilimita ang ating perspektibo at pananaw, pati na ang ating buhay base sa isang napakaliit na gadget lamang at mga apps na sadyang dinisenyo para tayo ay laging nakatutok dito.
Sa totoo lamang, kapanalig, hindi lamang ang ating pangagatawan ang unti unting sinisira ng teknolohiya. Parang sinisipsip na rin nito pati ang ating kaluluwa. Ang zombie apocalypse na laging usapin ng mga urban legends, kung susuruin mo, ay tila andito na. Zombie na ang mga tao – bulag na at sunod-sunuran na lamang sa mga lumalabas na feeds sa kanilang mga social media apps. Kapag sinabi halimbawa ng paborito nilang blogger na magalit sa isang personalidad, magagalit sila dito, kahit walang matinong dahilan.
Kapatid, ninanakaw na ng social media ang ating kakayahang mag-isip pati na ang kalusugan ng ating nag-iisang katawan. Aminin man natin o hindi, ang sobrang pag-gamit nito ay nagnanakaw na rin ng dignidad ng tao. Gising kapanalig, at suriin na ang ating mga social media habits. Ayon nga sa Mater et Magistra: whatever the progress in technology and economic life, there can be neither justice nor peace in the world, so long as men fail to realize how great is their dignity.
Sumainyo ang Katotohanan.