934 total views
Malaking hamon para sa ating bayan ngayon ang paparating na eleksyon. Matapos ang patayan dahil sa drug war, ang paghupa ng mga kaso ng COVID-19, at ang pagbagsak ng ating ekonomiya, marami na sa atin ang napagod at nasunog na sa sunod sunod na krisis na pinagdaanan ng ating bayan. Marami rin ang nagsawa na sa toxic na uri ng pamamahala. Puro patayan, pagmumura, pag-aagawan sa pwesto sa kongreso, misogyny o pagkamuhi sa babae, korupsyon, at pambabastos ang naging laman ng ating balitang pulitika nitong mga nakaraang mga taon. Mas marami ng tao ngayon ang nais ng liwanag.
Kaya lamang, ang pagnanais na ito ay kulang pa rin. Kailangan ng ating aksyon – mga pagkilos na hindi lamang natatapos sa ating pagboto. Kailangan nating maibaklas ang ating mga sarili mula sa makitid na pag-iisip na lalo pang pinapakitid ng ating malawakan at matagalang pag-gamit ng social media.
Kapanalig, sobra pa sa sampung oras ang pag-gamit ng Internet ng maraming Filipino ngayon. Higit pa sa kalahati ng ating mga adults ang nakatutok dito. Higit pa sa kalahati ng ating mga registered voters ay nasa edad 18-40 years old, na siyang ring age bracket na nakatutok sa social media.
Maganda sana ang social media kapanalig dahil gateway ito sa mas maraming impormasyon na mas makakapag-bukas ng ating isipan. Kaya lamang, tila kabaligtaran ang nangyari sa ating bayan. Sa halip na maging mas malawak ang ating mga pananaw, naging mas makitid pa. Napunta tayo sa mga echo chambers kung saan nakulong tayo sa mga pare-parehong pananaw at opinion na kadalasan ay mula pa sa mga dubious o di kapani-paniwalang sources. Mas kumalat pa ang narratives na nagpapayahag ng kasinungalingan, fake news, at hate o poot.
Napaka-delikado nito kapanalig para sa darating na eleksyon, pati na rin sa demokrasya. Nakita naman natin kung ano ang nangyari sa bansa nitong nakaraang mga taon. Nais pa ba natin maulit ang halos araw-araw na patayan, kapanalig? Gusto mo pa ba ng korupsyon?
Maging mapanuri tayo kapanalig. Huwag tayo magpapaniwala sa mga fake news. Sa kakapaniwala natin dito, mas lalo itong kumakalat, at mas lalong humihigpit ang kapit nito sa atin. Sa social media, kapag ang feed mo ay laging mula sa sources ng fake news, mas dadalhin ka pa nito sa mas maraming sites ng fake news na iisipin mo na lahat ng sinasabi nito ay reyalidad na o totoo, kahit pa katawa-tawa, absurd o ridiculous na ang impormasyong binibigay nito.
Naku, kapanalig, buksan na natin ang ating mga mata. Sabi nga sa Evangelii Gaudium: We should recognize how in a culture where each person wants to be bearer of his or her own subjective truth, it becomes difficult for citizens to devise a common plan which transcends individual gain and personal ambitions.
Sumainyo ang Katotohanan.