213 total views
Hinikayat ni cyber missionary priest Fr. Luciano Felloni ang kanyang mga kapwa pari na gamitin ang ‘social media’ sa paghahayag ng mabuting balita ng Panginoon.
Ayon kay Fr. Felloni, ang social ay isang bagong mundo na dapat gamitin para sa ebanghelisasyon.
“So I hope na this year of the Clergy kaming mga pari, mga madre mga consecrated people we will realize na mayroon kaming misyon doon sa social media. Not just to be a user, not just to be a follower but to be influencer ‘yun po ang trabaho natin,” ayon kay Fr. Felloni.
Dagdag pa ng pari; “I hope ang mga pari sa taong ito ay magrealize na bahagi ng aming misyon we are sent to the whole world- social media is a new world. Sana mawala ang takot at mawala ang pangamba…mawala ang masamang tingin sa social media and eventually we all the clergy we will embrace social media and maging active hopefully.”
Sa katatapos lamang na CBCP-Catholic Social Media Awards 2017, itinangghal si Fr. Felloni bilang ‘Male Social Media Influencer of the Year’ na ginanap sa Sienna College.
Ang AlmuSalita facebook page ni Fr. Felloni ay may 90,000 followers na nagbibigay ng pang-araw araw na pagninilay sa Salita ng Diyos.
Ayon sa pari, mahalaga ang social media na magamit para maipahayag ang mabuting balita at turo ng Panginoon lalu’t ito na ang bagong media platform ng maraming Filipino.
Ang Pilipinas ang nangunguna sa paggamit ng social media tulad ng Facebook, Twitter, Instagram na karaniwang naggugugol ng higit sa apat na oras kada araw ayon sa pag-aaral ng We are Social Ltd,
Bukod sa pagiging aktibo sa social media, si Fr. Felloni ay mapanonood at mapakikinggan tuwing Biyernes alas-8 ng umaga sa Radio Veritas sa programang Barangay Simbayanan kasama si Angelique Lazo-Mayuga.
Isinilang sa Buenos Aires, Argentina noong May 28, 1973 at inordinahan bilang pari April 2000- na piniling manatili sa Pilipinas.
Si Fr. Felloni ang kasalukuyang parish priest ng Our Lady of Lourdes. Naging parish priest sa Holy Trinity Parish, Commonwealth (2013); Vicar Forane ng Good Shepherd Vicariate (2013) at parish priest Mother of Divine Province Parish sa Payatas (2006).