1,899 total views
Naniniwala ang pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na ang social media ay maaring ituring bilang biyaya at sumpa sa mga tao.
Ayon kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, mahalagang bigyang tuon ang usapin at tukuyin hindi lamang ng mga kabataan kundi ng bawat tao na gumagamit at lantad sa iba’t ibang media platforms.
Ang pahayag ng obispo ay kaugnay na rin sa bagong dokumento na inilabas ng Vatican na tumatalakay sa mga hamong dulot ng social media sa buhay ng tao at sa lipunan.
Ang 20-pahinang dokumento ay may titulong Towards Full Presence: A Pastoral Reflection on Engagement on Social media na ipinalimbag noong May 29.
“Naka-focus siya talaga sa klase ng kultura na pino-promote ng social media which is both a blessing and a curse. Parang nasa sa atin whether we allow it to be a curse kung gusto natin itong maging sumpa sa atin o maging blessing sa buhay natin,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop David.
Giit pa ni Bishop David, napapanahon at dapat lamang na bigyang tuon ang paksa lalo’t nakakaapekto sa pang-araw araw na gawain ng bawat tao at sa kulturang isinusulong ng social media.
Sa dokumento ilang mga usapin ang binigyan tuon na ayon sa obispo ay kailangang pagnilayan.
Information Overload
Paliwanag ng obispo, dapat suriin ang mga impormasyon at tiyakin na ang mga impormasyong na papaniwalaan.
“We have to be also sure na what we are getting is not misinformation or disinformation but you know truth, genuine information na kailangan mo na magkaroon ng criteria,” ayon sa obispo.
“May time ka ba na ma-digest mo ang mga impormasyon na ito, and that’s what matters most.”
Constant Scrolling
Isa sa halimbawa ayon sa obispo ay ang panonood ng mga videos at maakit pang manood ng mas marami.
“Scroll ka ng scroll and before you know it ubos na ang oras mo. The next question is, ano ang napulot mo? Ano ang naidulot nito sa ‘yo? Ang tawag dyan killing time. Don’t kill your time. Because your time is precious, spend your time wisely,” paliwanag ni Bishop David.
Not Giving other people your full attention
Dulot na rin ng pagiging abala sa ‘scrolling’ ay hindi na rin napupuna ang ibang mga bagay na karaniwang nagaganap sa mga pamilya.
“Walang sharing of one’s mutual presence kasi ang attention nila ay nasa gadget,” ayon sa obispo.
Ang dokumento ay ipinalimbag ng Dicastery for Communication kung saan nilikom ang mga mensahe ni Pope Francis sa mga nakalipas na World Communications Days.
Nilinaw naman ng Vatican na ang aklat ay hindi ang tumpak na patnubay, kundi pagpapahayag ng mga makabuluhang paksa at mapagmalasakit sa pakikipag-ugnayan sa online platform.
Sa tala, isa ang Pilipinas sa pinaka-tumatangkilik sa paggamit ng media platform sa mga bansa sa Southeast Asia kung saan 94 na milyon ang social media users gamit ang cellular phones.
Ayon pa sa Spiralytics, nangunguna rin ang Pilipinas sa may pinakamahabang oras na ginugugol sa social media sa higit apat na oras.