179 total views
Isa sa mga isyung panlipunan na naging matingkad sa ating bayan ngayon dahil sa pandemya ay ang kawalan ng access ng maraming mga Filipino sa social security.
Kapanalig, ang social protection ay kalipunan ng mga serbisyong pampubliko, programa, at polisiya ng isang bayan na nagbabawas at nagpapagaan ng panghabam-buhay na consequence o kinahihinatnan ng kahirapan. Kasama nito ang mga programang gaya ng 4Ps, pati na rin ang mga social security system ng bansa gaya ng SSS at GSIS, pati na rin ang PhilHealth. Ang social proteksyon ay panangga ng karaniwang Filipino laban sa lubusang kahirapan.
Napakahalaga ng social protection, kapanalig. Ang malaya at masaganang pag-access dito ay sumasalamin sa pag-iral ng katarungan sa lipunan. Pinapakita rin nito kung ang nasa poder ay tunay ngang matuwid at makatarungan. Sabi nga ni Pope Leo XIII sa Centissimus Annus, ang pampublikong otoridad ang siyang may katungkulan sa pagbibigay ng nararapat na proteksyon sa kapakanan ng mamamayan. Ang kapalpakan sa aspetong ito ay paglabag sa panlipunang katarungan.
Kapanalig, nitong pandemya, ating naranasan ang kawalan ng proteksyon ng maraming mga migranteng manggagawa at ating mga local labourers. Isang halimbawa ay ang mga construction workers sa bayan na naiwan sa mga construction sites nuong panahon ng lockdown. Kinailangan nilang umasa sa kabutihan ng boss at kapwa upang mabuhay at magkaroon ng kaunting pera. Nakita rin natin ang naranasan ng mga ambulant vendors nuong panahon ng matinding lockdown- gutom ang inabot ng marami sa kanila.
Karamihan sa mga manggagawang walang proteksyon ay kasapi sa informal sector. Sa ating bansa, tinatayang umaabot na sa 10.5 million ang informal sector operators sa bansa, base sa 2008 informal sector survey. Hindi na naulit ang survey na ganito, kaya wala tayong tiyak na bilang nila ngayon. Pihadong mas marami na sila.
Ang kawalan ng maayos na pagsukat ng volume ng informal sector workers ay isa sa mga sintomas ng ating kapabayaan sa sektor impormal, pati na sa pangangailangan nila sa social proteksyon. Malabong maging angkop ang mga programa at budget para sa kanila, kung maski bilang man lamang nila ay hindi natin alam. Ito ay dapat ng mabago. Ang panahon ng pandemya ay angkop na panahon para sa isang reset – mga transpormasyon na magbibigay proteksyon sa maralita.
Ang laki at lawig ng kahirapan sa bansa ngayon ay isang malaking hamon sa pamahalaan- kailangan nito maglatag ng programa at budget na tunay na angkop sa pangangailangan ng bayan. Hanggat hindi maayos ang social protection para sa maralita, lagi na lamang dadami ang bilang ng naghihirap. Kung hindi ito mababago, magiging mas mailap pa ang kaunlaran para sa buong bansa.
Sumainyo ang Katotohanan.