15 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catholic Education ang mga Pilipino na tumulong sa pagsusulong ng kalidad na edukasyon na maaaring makamit ng bawat batang mag-aaral sa alinmang panig ng Pilipinas.
Ito ang panawagan ni CBCP-ECCE Chairman Apostolic Vicariate of Jolo Bishop Charlie Inzon sa paggunita ng International Day of Education na itinakda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) sa ika-25 ng Enero 2025.
Ayon sa Obispo, mahalagang maituon ng Pilipinas ang pagtugon sa mga suliranin sa edukasyon sa pagkakaroon ng sapat na access at sa pagtitiyak ng de-kalidad na edukasyon sa bansa.
Nanindigan ang Obispo na sa pamamagitan ng magandang edukasyon sa mga kabataan ay uunlad ang bansa.
“Yung education sana na sinasabi natin na maging “socially Just” education kung saan ang lahat ng tao, lahat ng miyembro ng ating pamayanan ay mabigyan ng magandang edukasyon, quality and access, kaya hinihimok ng ating Santo Papa na ilaan itong araw na ito para pagnilayan at pag-ibayuhin na pagbutihin ang ating pagbibigay ng magandang edukasyon para sa lahat, dahil ito ay para sa ikatatagumpay ng ating bansa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Inzon.
Tiniyak naman ni Bishop Inzon na mananatiling matatag ang mga paaralang katoliko sa paghuhubog ng mabuting asal at edukasyon sa mga estudyante.
Sinabi ng Obispo na misyon ng mga katolikong paaralan na ihanda ang mga estudyante bilang huwarang mamamayan na may matatag na pananampalataya at paninindigan para sa ikabubuti ng kapwa at bansa.
“Ang katolikong mga paaralan ay maigting na tumutulong sa ating bansa sa education, karamihan sa atin yun nga yung hinihimok natin na sana itong education na ito ay makatulong lalung-lalu na doon sa pag-connect ng education sa classroom at pagpapatibay at pagtugon sa mga kinakailangan sa ating mga community. Kailangan kasi ma-connect natin yung ating mga pinapag-aralan sa classroom na mahubog ang isang tao, maging kasangkapan siya, upang mapaganda ang family, upang mapaganda ang community, mapaganda ang ating bansa at nasa bahaging ito, napakalaki pa ng ating dapat gawin. Off course kasama na doon yung paghubog ng ating mga Values, values na maka-Diyos, values ng pagmamahal sa ating pamilya, sa ating komunidad at sa ating bansa,” pahayag ni Bishop Inzon sa Radio Veritas.
Panalangin ni Bishop Inzon na sundin o alalahanin higit na ng mga mananampalataya ang Kaniyang Kabanalang Francisco na pahalagahan ang edukasyon para sa ikabubuti ng kabataan at ng bawat bansa.
Tema ng International Day of Education ngayong taon ay “AI and education: Preserving human agency in a world of automation” upang palalimin ang kaalaman ng mga paaralan, kabataan, magulang at legal guardians sa wastong paggamit ng Artificial Intelligence sa pag-aaral ng mga kabataan.